HINDI MAIKAKAILA ni Brgy. Chairman Nilo Tan na pinuputakte ng mga mananaya tuwing gabi ang isang lantarang “sugalan” sa Westpoint, Cubao na kalimitan ay may mga menor-de-edad pa.
Aba eh, napakatagal nang inire-reklamo ‘yan pero hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin ang nasabing pasugalan.
Ilang “tawiwit” ang nagsabi na hindi lang pera ang dahilan ng pangungunsinti ni Tserman, kundi ang kagandahan ni “Ine”, ang booker na dati ring hawak ng isang dating parak.
Concern tayo, parekoy, rito kay Tserman, kaya nga nais nating ipaalaala na ang kagandahan ni Delilah ang nagwasak sa magagandang mithiin ni Samson!
Hahayaan mo ba, Chairman Nilo Tan, na wasakin ni “Ine” ang iyong magandang simulain at mataas na respeto sa iyo ng mga taga-Cubao, Quezon City?
NAGBABALA, PAREKOY, ang bansang Tsina na hindi sa lahat ng oras ay palaging mahaba ang kanilang pasensiya.
Tungkol ito sa unang napaulat na humihiling si P-Noy sa Amerika na mag-deploy ito ng “spy planes” sa West Philippine Sea at Scarborough Shoal, kung saan kasalukuyang maigting ang tensiyon sa pakikipag-agawan ng mga Singkit dito sa ating karagatan.
Totoong masakit nga ito sa atin na mistulang binabarako tayo ng hinayupak na Tsina! Pero hindi natin dapat kalimutan ang reyalidad na limampung ulit mang doblehin ang lahat ng ating bilang, kakayahan ng armed forces at “satsat” ng Palasyo, yakang-yaka pa rin nila tayong tirisin kung giyera rin lang ang pag-uusapan!
Ibig kong sabihin, bakit hindi tayo humanap ng ilang diplomatikong solusyon sa halip na hilingin ang “spy planes” ni Angkel Sam?
Paano na lang kung dito sa ating lugar pa magkapikunan sina Angkel at mga lintek na “Tsekwa”? Hindi ba’t ta-yong mga Pinoy ang unang kawawa?
Kung magiging ugat rin lang ng giyera dito sa ‘Pinas ‘yang lintek na “spy planes” ng Kano, huwag nang papuntahin ‘yan dito!
MULA SA dating porsiyento, ngayon ay ginawa nang sahod na hindi bababa sa “minimum wage” ang magiging income ng mga bus driver dito sa Metro Manila.
Paraan umano ito para hindi na masyadong makipaghabulan at makipaggitgitan ang mga bus driver dahil hindi na sila maghahabol ng porsiyento. Ang epekto ay mababawasan na rin ang mga aksidente sa kalsada.
Ang siste, parekoy, masyado itong kapiranggot kumpara sa dating kinikita ng mga driver na nasa P1,500 “every other day” noong porsiyento ang partida sa kanila.
Dahil dito, inoobliga ng pamahalaan ang mga bus company na maliban sa sahod ay bigyan din ang mga driver ng tinatawag na insentibo.
Eh, ‘di ganu’n din? Maghahabulan na naman uli sila!
Hindi raw ayon sa pamahalaan, dahil ang insentibo ay para sa sinumang walang disgrasya o pinakamaingat na tsuper!
Sus, Ginoo! Eh, ‘di usad-pagong naman ang gagawin ng mga driver, tutal sigurado na ang kanilang mga sahod . Wala na silang pakialam kung 10 oras abutin ang Monumento-Baclaran, bahala na rin kung malugi na ang kompanya basta may insentibo!
Mag-isip isip naman kayo!
ITINANGGI, PAREKOY, ni Pampanga PNP Provincial Director S/Supt. Ed Tinio na collector niya itong si Sgt. Lennon. Pero hindi maitanggi ni Col. Tinio na laganap nga ang sugal sa buong lalawigan ni Gov. Lilia Pineda na asawa ni “known gambling god” Bong Pineda.
Langya namang senaryo na ‘yan, Col. Tinio, ibig sabihin, alam mong laganap ang sugal sa iyong AOR pero wala kang ginagawa para matigil ito? Aminado ka ba na inutil ka? Hindi ka ba naniniwala na kaya hindi ito pinatitigil ng iyong mga Chief of Police, dahil may “lagay” ang mga ito sa iyong mga COP? Mula PO1 hanggang sa mga COP ay may patong, tapos sa iyo lang wala?
Tangna naman, Col. Tinio, kahit sinong gago ay hindi maniniwala sa iyo…. Lalo namang hindi maniniwala sa iyo si PNP Chief?
Ipahuli mo na kasi ‘yang si Sgt. Lennon para kapani-paniwala ka naman!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303