SSS sa Kasambahay

Dear Chief Acosta,

ANG NANAY ko po ay namamasukan bilang kasambahay sa Maynila habang kami naman ng aking mga kapatid ay naninirahan dito sa Vigan. May edad na rin po siya at nagiging sakitin na. Nais ko lamang po malaman kung maaari ba siyang maging miyembro ng SSS. Natatakot po kasi ako na magkasakit siya nang malubha at wala kaming perang pangtustos sa magiging gastusin. Umaasa kami sa inyong pagtugon.

Simon

 

Dear Simon,

ANG SOCIAL Security System (SSS) ay itinaguyod upang mangasiwa sa pagbibigay ng benepisyo para sa mga pribadong manggagawa na miyembro nito. Ang mga benepisyong ibibigay ng tanggapang ito ay magmumula sa kanilang mga kontribusyon at ng kanilang mga employer. Alinsunod sa Section 9 ng Republic Act No. 8282 o ang Social Security Law of 1997, kailangang maging miyembro ang bawat pribadong manggagawa, kasama na rito ang mga namamasukan bilang kasambahay. Ayon sa nabanggit na probisyon, “Coverage in the SSS shall be compulsory upon all employees not over sixty (60) years of age and their employers: Provided, That in the case of domestic helpers, their monthly income shall not be less than One thousand pesos (P1,000.00) a month: x x x”

Sa sitwasyon ng iyong ina, mahalaga na nakapagpa-miyembro na siya sa SSS upang makapagbigay siya ng kontribusyon at makapag-avail ng mga benepisyo katulad ng permanent disability benefits, monthly pension at sickness benefits, at ikaw naman bilang anak ay maaaring makakuha ng dependent’s pension, death benefits at funeral benefits sa itinakdang panahon o pagkakataon. Maaaring magtungo ang iyong ina sa tanggapan ng SSS na malapit sa lugar kung saan siya nakatira at doon ay magpatala bilang miyembro sa pamamagitan ng pagsagot at pagsumite ng SSS Form E-1, kalakip ang kopya ng kanyang birth certificate o baptismal certificate. Kung wala siya ng alinman sa nabanggit, maaari na lamang siyang magsumite ng joint affidavit ng dalawang taong nakakakilala sa kanya. (Circular No. 21-V, Implementing Guidelines on the Social Security Coverage of Househelpers)

Ang amo o employer ng iyong ina ang dapat magbayad sa SSS o sa alinmang bangko na accredited ng SSS ng kontribusyon ng employer at ng kontribusyon ng iyong ina na ibabawas mula sa kanyang buwanang sahod. Obligasyon rin niya na magsumite ng quarterly report. Kung hindi makakapagbayad ng kaukulang kontribusyon ang employer ng iyong ina ay maaari siyang maparusahan. Ayon sa Section 28 ng R.A. No. 8282, “(h) Any employer who, after deducting the monthly contributions x x x from his employee’s compensation, fails to remit the said deductions to the SSS within thirty (30) days from the date they became due shall be presumed to have misappropriated such contributions x x x and shall suffer the penalties provided in Article three hundred fifteen of the Revised Penal Code.”

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 6 Issue 94 July 24 – 25, 2013
Next articlePantawid Gutom

No posts to display