NAKAKALUNGKOT ISIPIN NA kung sino pa ‘yung magaling na artista, hindi nabibigyan ng break para sumikat. Tulad ni Lowell Conales, 14 years in the business. Kilalang stage actor sa theater, pero hindi sa TV at pelikula. Naging PETA member, nagbida sa mga stage play na Diego Silang, Elias at iba pa. Hindi na mabilang ang stage plays at indie films ang kanyang nilabasan, pero hanggang ngayon, nangangarap pa ring makilala bilang aktor sa industriya.
Ang ipinagtataka lang ni Lowell ay kung bakit ang isang tulad niya ay hindi nabibigyang halaga sa movie industry? “Sa amin kasi sa theater, malakas din ang politics. So, nararamdaman ko ring may pulitika rin sa TV at pelikula. Maging sa indie films, may ganu’n na rin. Hindi mo maiaalis sa akin, kasi nakita ko, naramdaman ko kung ano talaga ang laro sa industry. Ako naman, hindi ko naman gustong sumikat na sikat talaga. Gusto ko lang makita ‘yung trabaho ko, mabigyan ng recognition, ma-appreciate nila ‘yung ginawa ko. Walang pumapansin sa amin na maliit lang ang tingin nila sa industriya.”
Malaki ang paghanga ni Lowell sa yumaong actor na si Rey Ventura. Hinangaan at tumatak sa isipan ng manonood ang mga makabuluhang pelikulang kanyang nagawa. “Ang tawag nga nila sa akin ay young Rey Ventura. Noong bago pa lang ako mag-start sa teatro, na-meet ko siya, nag-inuman kaming dalawa. Kung kailan ko siya nakilala, namatay naman agad siya. Alam niyang idol ko siya, sinabi ko sa kanya. Nag-bonding kami, after few days lang namatay na siya. Pinanonood ko ang mga pelikula niya, saludo ako sa galing niya as an actor.”
Bukod sa pagiging stage actor, commercial model din si Lowell. “May agent na nakapanood sa akin sa isang play. Pina-VTR ako, nakuha agad ako sa commercial ng SSS (Social Security System), then nasundan na ng Maxxx candy, nagtuloy-tuloy na ‘yun.”
Naging memorable para kay Lowell ang indie film na Welga, produced by AFP (Armed Forces of the Philippines). “Hindi nailabas dito dahil marami ang masasagasaan, marami ang magagalit. Ang purpose kaya ginawa ito ay para ipakita sa mga tao na nasa malayong lugar. Sila ‘yung nabibiktima, na madaling mapaniwala. Ipapakita nila sa pelikula, para ‘yung mga kabataan hindi tularan ang NPA. It’s a big-budgeted movie na umabot na 10 million. Marami kasing malalaking eksena, kasama ko rito sina Bembol Roco, Archie Damos, Hero Bautista… under the direction of Jun Orbano. “
Mahalagang papel din ang ginampanan ni Lowell sa indie film na Binyag by Yam Tanangco na naging Best Film sa Urian, Autohistorya ni Raya Matin at Portero by Jamie Dumancas, and lately ang Anacbanua (2008) directed by Christopher Guzom (OFW). “Umiikot ngayon sa buong mundo ang nasabing pelikula at kasali din sa mga festivals, (Asia-Pacific Film Institute).
Makabu-luhan ang bawat pelikulang nagawa na ni Lowell. Dream role na gusto niyang gampanan? “Actually, lahat ng roles gusto kong gawin. Hindi pa ako nakakaganap na bakla on stage at pelikula. Gusto kong ma-challenge ang pagiging actor ko. Kung sabihin nilang bakla ako dahil sa role na ginampanan ko, thank you. Ibig sabihin effective ‘yung performance ko as an actor.”
Comment sa mga artista natin ngayon? “Ang nakikita ko, hindi sila naggo-grow as an actor. Ayaw ko nang magbanggit ng mga pangalan. Gagawa sila ng pelikula ‘yun na rin sila, walang pinagkaiba. Tingin ko sa kanila aktor-aktoran, mahahalata mo sa aktor kung nag-aktor-aktoran at saka nagpi-pretend lang. Mararamdaman mo ‘yun, mahirap lang mag-comment…”
Transformation of your character in TV at pelikula? “Sa bahay pa lang bago ako pumunta ng set ‘yun na ang character ko. At saka pumupunta ako sa lugar na maraming tao, observe lang. Kung minsan naman nanonood ako ng mga classical films. Minsan nababago rin, kasi ‘yun ganoong acting ang gusto ng direktor. Nag-akting-aktingan na rin ako sa ‘May Bukas Pa’. Kasi ‘yun ang gusto ng direktor, wala kang magagawa, sumunod ka na lang sa gusto niya.”
Sa tinagal-tagal ni Lowell sa industry, hindi man lang siya napasama sa mainstream, bakit nga ba? “Wala kasi nagma-manage sa akin, hindi naman puwede na lalapit ka na lang sa manager para i-handle ka. Suwerte lang ng mga artista natin dahil may mukha na sila, may manager pa sila. Nakakaramdam ako rito sa atin na face value na lang ang tinitingnan kahit walang talent. ‘Yun ang napapansin ko, sobra! Sana naman pagbutihin nila ‘yung trabahong ibinigay sa kanila, kasi kami ang dami naming nangangarap na makapasok d’yan. Ang hirap ng pinagdaanan namin, nag-aral kami frame by frame, pero sila kapag naging instant actor, nali-late na sa set, lumalaki na ang ulo. Ang hindi ko maintindihan dito sa industry natin, kapag may pangalan na ‘yung artista, umiyak lang sasabihang actress na, magaling na. Hindi nila alam na may iyak na walang luha na mas masakit ‘yung nararamdaman. Paiiyakin namin ang puso ninyo, iiyak kayo pag-umapak na kami on stage.”]
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield