Stalker ang Ex-Boyfriend

Dear Atty. Acosta,

 

NAKIPAGHIWALAY PO ako sa boyfriend ko dalawang buwan na ang nakalipas. Hindi maganda ang naging pagtanggap niya rito at sinabing hindi siya makakapayag na magkaroon ako ng ibang boyfriend. Madalas po siyang mag-text sa akin at nakapagtatakang alam niya ang lahat ng aking pinupuntahan pati na rin ang mga taong nakakasama ko. Ilang beses na po akong nagpalit ng number pero lagi pa rin niya itong naaalam. Ano po ba ang puwede kong ikaso sa kanya?      

 

Ana Clarisa

 

Dear Ana Clarisa,

 

ANG BATAS na naa-angkop sa iyong kalagayan ay ang Republic Act No. 9262 o mas kilala sa tawag na “Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004”. Layunin ng batas na ito na bigyan ng halaga ang dignidad ng mga kababaihan at ang kanilang mga anak. Pinapangalagaan nito ang kababaihan laban sa karahasan at mga banta sa kanilang personal na kaligtasan at seguridad.

Makikita ang kahulugan ng “violence against women and their children” sa Section 3(a) ng RA 9262:

Section 3. Definition of terms- xxx

a. “Violence against women and their children” refers to any act or a series of acts committed by any person against a woman who is his wife, former wife, or against a woman with whom the person has or had a sexual or dating relationship, or with whom he has a common child, or against her child whether legitimate or illegitimate, within or without the family abode, which result in or likely to result in physical, sexual, psychological harm or suffering, or economic abuse including threats of such acts, battery, assault, coercion, harassment or arbitrary deprivation of liberty.xxx”

Isa sa mga karahasang ipinagbabawal ng nasabing batas ay ang tinatawag na psychological violence. Ito ay tumutukoy sa mga gawaing nagdudulot o maaaring magdulot ng mental o emosyonal na pagdurusa sa biktima gaya ng stalking, harassment, intimidasyon o paulit-ulit na berbal na pang-aabuso (Article 3 (C), RA 9262). Ang intensiyonal na pagsunod ng iyong dating nobyo sa iyong pang-araw-araw na gawain at ang kanyang pagsubaybay maging sa mga taong iyong nakakasalamuha ay maituturing na isang uri ng stalking. Ito ay ipinagbabawal ng Section 5 (h)(1) ng RA 9262:

Section 5. Acts of Violence Against Women and Their Children. – The crime of violence against women and their children is committed through any of the following acts: xxx

1. Stalking or following the woman or her child in public or private places.xxx

Dahil dito, maaari kang maghain ng isang reklamong paglabag sa RA 9262 laban sa iyong dating nobyo at humingi ng temporary o permanent protection order. Maaari kang manghingi ng isang barangay protection order mula sa tanggapan ng inyong baranggay upang magkaroon ka ng agarang proteksyon mula sa dati mong nobyo habang dinidinig ng hukuman ang iyong kaso at ang hinihingi mong protection order mula rito. Sa bisa ng protection order, maaaring pagbawalan ang iyong dating nobyo na lumapit sa iyo o sa iyong pamilya o sa inyong tahanan, eskuwelahan o sa lugar ng iyong trabaho. Kapag napatunayan ang kanyang pagkakasala, maaari siyang maparusahan ng prision mayor o pagkakabilanggo ng anim (6) na taon at isang (1) araw hanggang labingdalawang (12) taon.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articlePara ikaw ay in, ang mga ito’y bilhin!
Next articleKapayapaan

No posts to display