SA GITNA ng pandemya ay nakagawa ng isang comedy film titled Ayuda Babes ang mga sikat na stand-up comedian at vlogger na sina Iyah Mina, Juliana Parescova Segovia, Petit, Negi, Berni Batin, Ate Gay at Brenda Mage kasama si Gardo Verzosa.
Ang Ayuda Babes ay sa direksyon ni Joven Tan at prinodyus ng Saranggola Media Productions.
First time nilang magsama-sama sa isang pelikula at ayon sa kanila, wala namang naging problema. Para lang daw silang naglalaro sa syuting ng Ayuda Babes.
Ani Juliana, “Sila kasi matagal na, ako bago-bago pa lang. During the shoot, ang ginagawa namin para lang kaming naglalaro. Parang masaya lang, hindi masyadong nakaka-pressure kasi tulungan. Saka parang sa kanila rin ako natututo ng mga teknik sa pagpapatawa.”
“Yon nga po, habang nagtatrabaho kami parang normal lang, nagkukwentuhan. Masarap katrabaho si Direk Joven (Tan) kasi tawanan lang kami nang tawanan. Talagang apektado rin kami ng pandemic kaya nung dumating itong trabaho sobrang thankful talaga ako,” komento naman ni Negi.
Para naman kay Iyah, ang Ayuda Babes ay magandang chance para muli niyang makasama ang mga kaibigan sa comedy bar.
“Nung nagkaroon ng ganitong trabaho, sabi ko, I’ll grab the opportunity at saka gusto ko ring makita ang mga kaibigan ko at makasama. Ang sarap kasi ng feeling, walang pressure. Salamat kay Direk Joven kasi pinagsama-sama niya kaming lahat kasi masaya lang.
“Matagal na panahon na wala kaming trabaho sa comedy bar dahil pandemya pero dumating na lang ito agad ng walang sabi-sabi so thank you talaga kasi nagka-work kaming lahat,” pahayag naman ni Iyah.
Reaksyon naman ng vlogger na si Berni na kilala bilang supladitong tindera, hindi siya na-intimidate sa mga katrabahong beterano na sa pagpapatawa dahil mababait ang mga beki.
“First time kong umarte sa movie kaya kinakabahan talaga ko. Pero hindi naman nila ipinaramdam sa akin na senior sila at baguhan lang ako. Marami akong natutunan sa kanila and I’m happy na nakasama ko sila sa first movie ko,” sey naman ni Berni.
“Ang pinakamagandang nangyari nung nag-shoot kami bukod sa sobrang enjoy lang dahil miss na miss ko na rin sila, ay yung TF (talent fee) na kaliwaan. Tapos may pa-bonus pa,” sabay tawa nang malakas ni Petit.
Dagdag niya, “Kasi pag hindi kaliwaan maghihintay ka pa ng isang buwan. Dito, hindi pa tapos yung trabaho pumipirma ka na kaagad ng voucher, babayaran ka na agad.”
Biro naman ni Brenda, “Ako, na-pressure ako nang bonggang-bongga kasi first time ko silang nakatrabaho. Hindi ko kasi sila kilala personally… wow. Ha-ha-ha.
“Magkakaibigan na kasi ang turing namin sa isa’t isa at happy kami na isa itong Ayuda Babes sa naging paraan para maging close kami sa isa’t isa lalo na nitong lockdown at nagkaroon ng pandemya tapos kumita kami ng sabay-sabay. Hindi naman kami nahirapan kasi nga yung istorya nito, yung mga lines namin nakakatawa na talaga so parang yung ginagawa namin sa comedy bar yon na lang din yung ginawa namin sa movie,” lahad ni Brenda.
Nagpapasalamat naman ang Mash-Up Queen na si Ate Gay na nabigyan siya ng chance na makatrabaho ang iba pang mga komedyante.
“Nagpapasalamat ako dahil dito sa Ayuda Babes nakasama ko silang lahat. Kasi halos yung iba sa kanila ay papausbong na ang career, pero at least hindi ako nawawala. Nakakatuwa na makasama ko silang lahat. Wala naman akong nakikitang pa-diva sa kanila. Lahat naman sila mababait pa,” pabiro niyang pahayag.
Kasama rin sa pelikula na mapapanood sa iWantTFC at Ktx.PH simula sa March 5 sina Gardo Verzosa, Bidaman Dan Delgado, singer Christi Fider, Zeus Collins at Marlo Mortel.