HINDI NAGING MALINAW ang kabababa lang na polisiya ng Star Magic sa kanilang mga alagang artista na bawal ang pagpapa-ambush interview. Ang akala ng mga artista, lahat ng klase ng biglaang panayam ay hindi puwede, kaya nu’ng minsang makaengkuwentro ng mga reporters ang mga alaga ng kumpanya, nagtanggihan sila.
“Ay, bawal po kasi,” sabi ng isang young actor sa manunulat na may itinatanong sa kanya. Sabi naman ng isa pa, “Kailangan po kasi muna naming humingi ng permission sa Talent Center bago kami magpa-interview, kaya pasensiya na po.
Naging malaking isyu agad ‘yun. Nagtaka at nagulat ang mga reporters kung bakit biglang nagkaroon ng ganu’ng batas ang Star Magic. Wala man lang pasintabi ang kumpanya.
Pagkatapos lang nang ilang araw, bumawi ang tagapagsalita ng Star Magic. Wala raw namang ganu’ng polisiya ang kanilang opisina. Mga tanong lang daw na delikado ang hindi puwedeng ibato sa mga artista nila nang biglaan.
Pagkatapos nu’n, meron na namang bagong bersiyon. Ang mga talk shows lang daw ng ABS-CBN mismo ang hindi puwedeng mang-ambush interview sa kanilang mga artista, ang mga manunulat ay malaya. Kaya ang naglabas naman ng saloobin, ang mga talk shows ng Dos.
Ang kanilang katuwiran, hindi naman nila iniinterbyu nang walang paalam ang mga artista ng Talent Center. Palaging nandu’n ang pagpapaalam, kaya saan daw kaya nag-ugat ang bagong kautusan na hindi puwedeng i-ambush interview ang mga artista ng kaharian ni Direk Johnny Manahan?
Maaaring may pinag-ugatan ang bagong alituntuning ipinatutupad ng Star Magic sa kanilang mga artista. Puwedeng may artista silang nagsalita sa ere ng mga bagay-bagay na hindi dapat ilabas, na ang itinuturo ng kanilang artista ay ang biglang pagsasahod ng mikropono ng mga reporters ng sarili nilang mga talk shows sa network.
HINDI GAWANG BIRO ang pagbubuo ng isang segment para kargahin ng isang talk show. Kailangang may pundasyon ang isyu, dahil kung wala, marunong nang kumilatis ang manonood.
Maraming bawal, nakakasa na ang video at ine-edit na lang pero biglang may tatawag, ipinaho-hold ang panayam. Natural, mangangarag ang segment producer, nakahanda na nga naman ang mga materyales, pero biglang hindi naman pala puwedeng iere ‘yun.
Sa mga live guesting naman, kailangan munang ipabasa sa mga kinauukulan ang pagkakasalansan ng mga tanong na ibabato sa kanilang artista. Kapag minamalas-malas ang talk show, halos wala nang matitira sa mga pinlantilya nilang tanong.
Kaya nga ang sentimyento ng mismong produksiyon ng mga talk shows ng ABS-CBN, bakit ganu’n, kung sino pa ang artistang kabakuran nila, du’n pa sila nahihirapan?
Mabuti pa raw ang mga artistang nasa ibang bakuran, malaya nilang nahihingan ng interbyu. Pero ang mismong mga Kapamilya nila, merong mga ipinagbabawal. Kauna-unawa ang kanilang posisyon.
Nagkakatulungan ang mga artista at ang mga talk shows, kailangan nila ang tulong ng bawat isa. Kaya kung magpapatuloy ang ganu’ng proseso, pareho silang mahihirapan.
Kung hindi maaaring salingin ang maiinit na isyu tungkol sa mga artista ng Dos, magmimistulang promo na lang ang laman ng kanilang mga talk shows.
Bibihisan lang nang konti ang isyu, puro patagilid at walang malinaw na sagot. Halatang lata na walang laman ang segment kaya nauuta na ang manonood.
Cristy Per Minute by Cristy Fermin