STARBUCKS CORPORATION na nga ang pinakamalaki at pinakasikat na coffee shop sa buong mundo. Sa Pilipinas pa nga lang, may 206 na Starbucks na. Kaya hindi maitatanggi na ang mga Pinoy, nahumaling na sa nakagigising na amoy ng Starbucks! Ito yata ang coffee shop na hindi mauubusan ng customers. Paano ba naman, magagaling at matatalino ang mga tao sa likod ng marketing strategy ng Starbucks.
Isa sa kanilang effective na marketing strategy ay ang Frappuccino Secret Menu. Hindi lahat alam ito, maging ang mga barista nga sa Starbucks, hindi nila alam. Kinakailangan mo pang magkaroon ng kopya ng ingredients at ibigay sa barista para magawa nila ang Starbucks drink mo na akala mo sa panaginip lang magkakaroon. Paano ba naman, ang mga nakatala sa secret menu na ito ay ang mga Frappuccino na aabuso sa sweet tooth mo tulad ng Chocolate Covered Banana Frap, Smores Frap, Nutella Frap, Ferrero Rocher Frap, Black Velvet Frap, Red Velvet Frap, Snickers Frap, Mint Green Chocolate Frap at marami pang iba!
Mahusay ang nakapag-isip ng konseptong ito dahil maraming tao lalo na ang loyal customers ng Starbucks ang paniguradong babalik nang babalik para matikman lahat ng mga special secret menu ng Starbucks. ‘Yung iba riyan, nag-iipon pa talaga para masigurado na hindi sila pahuhuli sa hit na hit na 35 Starbucks Frappuccino Secret Menu.
Ang isa sa kanilang marketing strategy ay naging sikreto rin nang matagal na panahon hanggang sa naibunyag din ito ng tagapamahala ng Starbucks mismo ngayong taon. Akala natin ay trademark na ng Starbucks ang laging pagiging mali sa spelling ng pangalan na isinusulat ng barista sa cup ng kape ng customers nila. Pero akala lang pala natin ‘yun. Sinasadya nila na magkamali dahil parte ng kanilang marketing strategy iyon. Paano naging strategy iyon? Una, kung minsan sobrang malayo ang pangalan na naisusulat ng barista sa cup, bilang ang mga Pinoy ay mahilig mag-selfie at mag foodstagram, kukuhanan ito ng larawan ng customer at ipo-post sa kanyang social media at ikukuwento sa kanyang followers at friends ang pagkakamaling nagawa ng Starbucks. Diyan pa lang, naa-advertise na ang Starbucks dahil sa mga larawan ng kanilang produkto na naipo-post sa Social Media.
Ikalawa, iniisip ng Starbucks na babalik at babalik ang mga customers nila hanggang sa maitama ng barista ang spelling ng pangalan nila. Kukuhanan ulit ng larawan ng customer ang kanyang order at sasabihin na sa wakas, tumama rin ang pangalan nila. Ikatlo, marami ang maiintriga kung makukuha ba ng mga barista ang tamang spelling ng pangalan nila kaya ayun, pupunta rin sila sa Starbucks, mag-oorder at para tingnan kung makakatiyempo sila ng susulat ng tamang pangalan nila.
Kabilang din sa kanilang marketing strategy ay ang pag-offer ng signature Starbucks planner para sa kanilang customers. Ang kinakailangan lang nilang gawin para makapag-avail ng nasabing planner ay kumolekta ng 17 na stickers. Ang bawat sticker ay makukuha mo lamang kung bumili ka ng frap nila. Kaya naman ‘pag ber month na, halos puno lagi ang Starbucks dahil sa mga taong nag-aasam makamit ang Starbucks planner. Ang ginagawa nila ay halos magdamag na tumatambay sa Starbucks para bumili ng frap. Kung minsan din naman magbibitbit siya ng mga kamag-anak o kaibigan na pakikiusapan niyang mag-order din para mas madali at mas mabilis siya makaipon ng stickers.
Matapos malaman ang marketing strategies na ito, isa lang ang masasabi ko, Bravo Starbucks, Bravo!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo