Life is lovelier the second time around. Ito marahil ang suma ng kuwento ng buhay ni Miss Gina Pareño, o ni Lola Gets sa Tayong Dalawa, matapos ang mga pag-angat, pagbagsak at pagbangon niya sa buhay. Ngayong kabi-kabila ang pagkilala sa kanyang kahusayan sa pag-arte, ano pa ba ang kanyang hihilingin?
Ipinanganak si Gina Pareño bilang Geraldine Achtley noong 1950 sa isang German-American father at taga-Bacolod na mudra. Hindi madali ang kanyang kabataan, dahil matapos iwan ng ama, kinailangan niyang tumulong sa ina para maghanapbuhay – kasama na ang pagtitinda ng kakanin at pagda-drive ng tricycle.
Pero bonggang mangarap si Miss Gina. Kaya nang manalo siya sa Dance-O-Rama at naispatan ng may-ari ng Sampaguita Pictures, aba, hindi na niya inaksaya ang pagkakataong nasungkit niya. Pagkatapos sumabak sa maliliit at supporting roles, ini-launch si Gina Pareño sa pelikulang Mama noong 1968.
Pero sa kung anong ikot ng stars, na-dyuntis ang lola at pansamantalang iniwan ang pag-aartista. Nang mag-comeback si Gina, ginulat niya ang madla sa seksi at astig niyang pagganap bilang Darna sa pelikulang Darna at ang Planetman. Nagsunud-sunod ang kanyang pelikula sa ilalim ng magagaling na direktor at kasabay ang mga magagaling din na artista.
Pero ’tila may kakabit yatang excitement ang buhay niya. Nalulong kasi siya sa droga na muntikan nang sumira sa karir niya bilang artista. Noong 1993, nagulat ang madla nang lumabas siya sa Lovingly Yours na bungi at pata ang katawan dahil sa droga. Pero hindi nawalan ng pag-asa ang mga nagmamahal sa kanya. Sumailalim siya sa isang 18-month Drug Rehab Program hanggang gumaling siya.
Hindi naman naging maramot ang industriya sa kanyang pagbabalik. Sa katunayan, nabigyan siya ng mga mother roles sa iba’t ibang pelikula noong 1990s tulad ng Mangarap Ka (1195); Babae sa Dalampasigan (1997); Hiling (1998); Anak sa Dilim (1999); Booba at Masikip sa Dibdib at marami pang iba.
Sumabak na rin siya sa mga indie films bukod pa sa lagare niyang pagganap sa soap operas. Hindi naman nabigo si Miss Gina, kasi ba naman, na-recognize ang galing niya sa pag-arte at patunay riyan ang iba’t ibang awards na nakuha niya mula sa local at international award-giving bodies.
Stars Candid
by Mayin de los Santos
Photos by Mark Atienza and Parazzi Wires