NALOKA ANG MGA staff ng Starstruck nu’ng nakaraang Linggo dahil hindi nila akalaing dadagsa ang napakaraming bagets na umaasang maging artista.
Ang kuwento sa akin, mga alas-dos ng madaling araw ng Linggo nagsisimula na raw silang pumila para makauna sa pagpapa-audition.
Hindi pa natapos ang SOP na kung saan doon ini-launch ang Starstruck 5, nagsimula na raw silang magpa-audition para ma-accommodate ang lahat na dumating.
Pero naloka naman ang mga staff dahil karamihan naman ay parang wala naman yatang salamin sa bahay nila o baka nanay lang nila ang nagsabing puwede silang mag-artista.
Ganu’n talaga! Libre lang daw ang mangarap sabi nga nila kaya pinagbigyan naman ang lahat na makapag-audition at baka nga may talent namang maipakita.
Sabi pa sa akin, nu’ng Lunes pa lang mahigit 70 thousand na ang nagpa-audition sa kanila, pero ewan ko lang kung ilang ang may karapatan ha!
Congratulations na rin sa GMA 7 dahil successful ang launching nito na ginawa sa SOP na may live telecast sa Cebu, Davao, Iloilo at Dagupan.
Sa dami nang gustong magpa-audition, mukhang maraming makakapasok na may karapatan at sana nga merong bagong mukhang pasisikatin uli ng GMA- 7.
by Lolit Solis