HUMIGIT-KUMULANG APAT na linggo na rin nang naipalabas sa sinehan ang blockbuster hit na pelikulang Starting Over Again na pinagbidahan nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga. Ito ay sa direksyon ng kilalang-kilala at batikang direktor na si Olivia M. Lamasan. Ang nasabing pelikula ay pumangalawa na sa top grossing films dito sa Pilipinas matapos tumabo sa takilya at maabot ang P4 million mark. Maging sa ibang bansa, naging hit din ito matapos ang mainit na pagtanggap ng ating kababayang Pinoy sa abroad at manguna pa sa takilya roon.
Ano nga ba ang sikreto ng Starting Over Again at ganito na lang ang tagumpay na naabot nito? Simple. Dahil ang pelikulang ito ay hindi pangkaraniwan. Ang pelikulang ito ay ‘di kagaya ng iba.
Ang pelikula na ito ay tungkol sa love story nina Ginny at Marco. Ipinakita rito kung gaano kamahal at sinuyo ni Ginny ang kanyang propesor sa kolehiyo na si Marco. Kinalaunan, minahal na rin siya ni Marco at naging sila rin. Kung iisipin, hindi isyu rito ang student-professor relationship. Ni hindi nga ito naging problema sa kabuuan ng kuwento. Tulad ng mga ibang love stories, halos perpekto ang relasyon nila sa simula. Masaya sila parehas hanggang sa nakipaghiwalay si Ginny at umalis patungo sa Barcelona para ipagpatuloy ang kanyang career doon. Hanggang sa nai-forward ang kuwento sa taong 2013.
Hindi sinabi agad sa manonood ang rason ng break up. Pero dahan-dahan naman nila itong isiniwalat sa pamamagitan ng pag-rewind sa mga pangyayari sa buhay ng dating nagmamahalan. Sa eksena na umuwi si Ginny rito sa Pilipinas at siya ay kinuha ni Marco upang maging arkitekto ng kanyang bagong restaurant, dito ay mapapansin na hindi pa pala naka-move on si Ginny. Mare-realize niya na mahal niya pa rin pala ang kanyang ex. Subalit, si Marco naman ay nakapag-move on na at may karelasyon na ngang iba sa katauhan ni Patty.
Sa oportunidad na nagkaroon si Ginny upang makatrabaho si Marco, dito niya pinilit ibalik kung ano ang meron sila noon kahit pa ang ibig sabihin nito ay masira ang relasyon nina Patty at Marco. Dito rin nabigyang-linaw sa publiko na ang rason talaga ng paghihiwalay nila ay dahil nagdududa na si Ginny kay Marco dahil hindi niya na ito nakikitaan ng pangarap sa buhay.
Ang ikinaganda ng pelikulang ito ay ipinakikita sa atin kung ano ba talaga ang importante sa buhay. Hindi gaya ng ibang love stories na ating napanood, para bang pagmamahal na lang ang nangingibabaw at umiikot sa mundo. Pero kasi sa totoong buhay, aminin na natin na hindi tayo mabubuhay ng puro pagmamahal lang. Ipinakita ng nasabing pelikula na bago ang love-love na ‘yan, dapat unahin at ipagpatuloy mo ang pangarap mo sa iyong buhay dahil ito ang panghahawakan ninyo sa inyong pagtanda. Mas maganda pa rin na ikaw ay naging matagumpay na sa buhay dahil dito mo masasabi na ikaw ay may napatunayan na talaga. Sinasabi rin nito na kapag may oportunidad na ibinigay sa atin, huwag magdadalawang isip na kunin ito dahil minsan lang ito darating sa buhay ng tao.
Mas nangibabaw rin sa palabas na ito ang isyu ng closure kaysa isyu ng relasyon. Sa totoong buhay, mas maraming tao ang hindi nakatutulog dahil naghahanap ng closure. Sa madaling salita, ipinakita lang ng Starting Over Again ang reyalidad ng buhay at hindi nito tayo pinapaasa na ang buhay ay parang isang fairytale.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo