KATATAPOS LANG ng Semana Santa. Siguro ang iba sa inyo ay sinulit ang long weekend sa pamamagitan ng pag-uwi sa kani-kaniyang probinsiya. Ang iba, marahil ay lumuwas pa para makapag-swimming sa mga magagandang beach dito sa ‘Pinas. Ang iba namang bigtime, nagtungo ng iba pang bansa para roon magpalamig at magbakasyon. Ang iba ay naglibut-libot at nagtungo sa iba’t ibang simbahan para kumpletuhin ang Visita Iglesia. At malamang sa malamang, ang iba ay mas piniling manatili na lang sa bahay upang makapahinga nang mas matiwasay.
Sa sobrang init ng panahon, tiyak na hindi naman lahat ay pipiliin pa na mag-out of town. Nakadidiyahe kasing bumiyahe nang milya-milya nang sobrang init ang panahon. At kung ikaw ang tipo ng tao na naririndi sa init ng panahon, panigurado namang hindi mo mae-enjoy ang mag-sunbathing sa mga beach resorts sa bansa. Dahil sa mga senaryong ganito, nauso ang alternatibong pagdaos ng summer nang hindi napapaso sa init ng araw. Ito ay ang tinatawag na staycation.
Ang ideya ko ng staycation ay pag-check in ng buong mag-anak at magbabarkada sa isang hotel at doon mananatili nang dalawa hanggang tatlong araw. Kung iisipin mo, parang wala namang kinaibahan kung sa bahay ka na lang mag-stay hindi ba? Pero siyempre may special service ang mga staycation sa hotels. Nariyan ang mararanasan mo ang 24/7 na walang patayan ng centralized aircon, nariyan din ang mga staff at crew na handang umalalay sa iyo, isang tawag mo lang sa kanila. Mayroon din silang mga nagagandahang facilities at amenities na nararapat ninyong sulitin habang nananatili sa hotels. Ito ay gaya ng swimming pools, playing area lalo na sa mga chikiting, sports area, at marami pang iba. Siyempre hindi rin mawawala sa inyong staycation ang masasarap na mga pagkain na buffet style pa.
Kung gustong maranasan ang staycation best experiences, siyempre hindi kayo bibiguin ng mga 5 star hotel dito sa atin gaya ng Sofitel Hotel at EDSA Shangri-La Hotel. May kamahalan nga lang ito, pero sabi nga sa research, ang mga sulit na nabibili sa buhay ay hindi ginagastos sa material na bagay kundi nilalaan sa karanasan.
Ang EDSA Shangri-La Hotel at Sofitel ay dalawa sa mga ipinagmamalaking hotels natin sa bansa. Sa tuwing mga may concert ng international artists dito sa atin, ito ang napipiling hotel kung saan sila mag-stay. Para bang kung sa Araneta Coliseum ang concert, sa EDSA Shangri-La sila mag-staycation, kung sa MOA Arena, sa Sofitel naman. O ‘di ba, check in like a star, ‘ika nga. Halos nasa P23,000 ang stay sa garden wing room ng EDSA Shangri-La kung saan all in na ito samantalang halos P15,000 naman ang deluxe room sa Sofitel.
Alam kong may kamahalan, pero para sa experience, why not subukan, hindi ba? Kung hindi ba swak sa budget ng mag-anak, maghanap ng sulit na sulit na mga promo deals ng staycation na makikita sa mga group buying sites gaya ng Ensogo, Cash Cash Pinoy, Metrodeal, Deal Grocer, at marami pang iba.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo