TAYONG MGA Pinoy, kapag ang pinag-uusapan ay sasakyan at mga murang piyesa sa sirang jeep o kotse, tiyak lahat ay sa Banawe, Quezon City ang laging takbo. Marami kasing surplus na parte ng sasakyan doon. Kaysa linisin o kumpunihin pa ang sirang piyesa ng sasakyan, mas maiging palitan na lang ng surplus ang original part na sira.
Alam n’yo bang ganito rin halos ang usapan sa bagong teknolohiya sa panggagamot? Sa teknolohiyang ito ay parang pagbili lang ng surplus na “human organ” at “cell” sa Banawe, upang mapalitan ang depektibong parte ng katawan ng tao gaya ng liver at kidney.
Si Senador Enrile sa edad na 89 ay nagpapakita pa rin ng pagiging matinik sa debate at katalinuhan. Inamin ng Senador sa isang panayam na siya ay gumagamit ng tinatawag na “stem cell therapy”.
Ang “stem cell research” ay mahigit 10 taon nang pinag-aaralan sa ibang bansa. Ito ay isang makabagong paran ng panggagamot gamit ang “cell”, isang esensyal na bahagi ng dugo. Dahil ang “cell” ay tinatawag na “basic unit of life”, ang teknolohiya ngayon sa medisina ay may kakayahan nang makumpuni ang sira o depektibong bahagi ng katawan gamit ang artipisyal na paraan. Ang tawag dito ay “stem cell therapy” at “stem cell medicine”.
SI SHINYA Yamanaka ang nanalo ng Nobel Prize 2012 dahil sa pagkakatuklas niya ng proseso kung saan ang “mature cells” ay maaaring ma-reprogram at magamit muli bilang bahagi ng sistema sa katawan ng tao. Sa pangkaraniwang pagkakataon, ang mga “mature cells” gaya ng balat o buhok ng tao ay namamatay na sa proseso ng pagkalaglag nito sa katawan.
Hindi na rin ito dadaan sa “zygote stage” kung saan may pagtatalong etikal tungkol sa potensyal na buhay na nakapaloob sa “zygote”. Matagal pinagtalunan ang paggamit ng “stem cell” bilang gamot dahil sa lumang paraan ng paggawa ng “stem cell”, dumadaan pa ito sa “zygote stage”. Ibig sabihin, naisasakripisyo ang isang potensyal na buhay sa lumang sistemang ito kaya ito ay itinuturing na hindi moral at katanggap-tanggap.
Dahil sa nadiskubre ni Yamanaka, ang “mature cell” ay puwede nang ma-reprogram at magamit bilang “stem cell” para gawing bagong “human organ” pamalit sa sirang liver, kidney, heart o kahit anong bahagi ng katawan. Dahil hindi na nga ito dadaan sa “zygote stage”, hindi na ito unethical o immoral sa usapin ng karapatang mabuhay ng isang potential life.
ANG TANONG ay handa na ba tayong mga Pilipino para sa ganitong teknolohiya?
Nakatakda nang pag-usapan sa Kongreso ang isyung ito dahil sa House Bill 212 na isinulat ni La Union Representative Eufranio Eriguel. Pag-uusapan kung paano ang pag-regulate sa teknolohiya, anong mga kumpanya ang papayagang magdala at gumamit nito, ang presyo ng ganitong panggagamot at maging ang pagiging available nito sa mga mahihirap.
Sinabi rin ni Eriguel na kailangang magtalaga ng mga ahensya na tututok sa teknolohiyang ito sa medisina. Ang DOH, halimbawa, ang magiging tagapangasiwa nito.
Dagdag pa ni Eriguel na kailangan bantayan nang husto ang usaping ito sapagkat malaki ang implikasyon nito sa isyu ng simbahan at iba pang religious sectors.
SUMASANG-AYON AKO sa panukalang ito. Naniniwala akong sa kabila ng magandang balitang hatid nito sa mga kababayan nating may malubhang sakit, may mga isyu itong kinakaharap hindi lang sa simbahan kundi pati sa mga mahihirap. Sana ay noon pa sinimulan ang ganitong pag-uusap tungkol dito.
Shooting Range
Raffy Tulfo