NAKAKAAWA RIN NAMAN itong si Jennylyn Mercado, ‘di ba?
Katatapos lang ng break-up nila ni Dennis Trillo, may kasunod na namang isyu sa kanya nang magpa-interview itong tunay niyang ina sa The Buzz.
Nakakaloka pa dahil sinabi ba naman nitong ilusyon lang daw ‘yung inilabas na kuwentong binugbog si Jennylyn ng kanyang stepfather nu’ng bata pa ito.
Kasi naman itong tunay na nanay ni Jennylyn, kaagad na lumayas at inabandona ang anak niya. Hindi niya yata alam na lumabas ito sa diyaryo at naging balita pa iyan noon.
Nakita naman sa diyaryo na pasa-pasa ang mukha nito at may mga paso pa ng sigarilyo. Nakakaawa ang hitsura, na mabuti na lang nandiyan si Mommy Lydia na kumupkop sa kanya.
Kaya nu’ng napanood ni Jennylyn ‘yun sa The Buzz, kaagad na nagpa-interview ito sa Showbiz Central na sa Linggo pa raw ipalalabas.
Galit na galit ito sa tunay niyang nanay dahil wala na nga raw itong nagawang mabuti sa kanya, kung anu-ano pang mga sinasabi.
Masamang-masama rin ang loob ni Mommy Lydia dahil wala man lang daw malasakit itong nanay ng anak-anakan niya.
Sabi nga ni Mommy Lydia, kahit hindi siya ang tunay na ina ni Jennylyn, ipaglalaban niya ito ng patayan.
Ang alam ko wala namang problema si Jennylyn sa kanyang tunay na ama. Nasa Korea pa rin daw ito at may komunikasyon sa kanya si Jennylyn. Pero itong nanay niyang nasa Dubai, nagpa-interview pa sa The Buzz kahit wala naman siyang nagawa nu’ng kailangan siya ng kanyang anak.
Hay naku! Bakit may mga ganu’ng klaseng nanay?
IN-ANNOUNCE NA NI Ai-Ai delas Alas na tuloy na raw ang pelikulang pagsasamahan nila ni Vic Sotto.
Matagal na raw niyang pangarap na makasama si Bossing Vic sa isang pelikula kaya tuwang-tuwa ito nang na-finalize na.
Isasali ito sa Metro Manila Film Festival at makakalaban nila ng pukpukan ang pelikulang Panday 2 ni Sen. Bong Revilla.
Si Bong naman ngayon ang pagtutulungan nila kaya matinding bakbakan ito.
Ipinagmamalaki naman ni Bong na idadaan nila ito sa ganda ng pelikula dahil ngayon pa lang ay nagsu-shooting na sila para may sapat silang panahon para sa special effects nito.
Abangan na lang natin ang bonggang labanan nila.
At least ang mga manonood ang makikinabang dahil magaganda at malalaking pelikula ang mapapanood nila sa darating na MMFF.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis