NAGPAHAYAG KAHAPON NG alinlangan ang ilang mataas na opisyal ng Philippine National Police kung kayang busisiin ng papaupong gobyerno ang operasyon ng Small Town Lottery na pinaniniwalaang pinatatakbo ng grupo ng kilalang gambling lord na si Rodolfo “Bong” Pineda.
Si Pineda, na kilala ring madikit na kaibigan ng pamilya Arroyo, ang siyang itinuturong nasa likod ng STL operations sa mahigit sampung probinsiya sa bansa, kabilang sa mga ito ang Pampanga, Bataan, Bulacan at Zambales.
“Tatlong isyu ang dapat mapaimbestigahan sa STL operations ng grupo ni Pineda,” pahayag ng isang papa-retirong heneral sa Camp Crame. “Una,” ayon sa kanya, “ay kung totoo ang hinalang ginagamit lang ng mga tauhan ni Pineda na prente ng jueteng ang operasyon ng loterya kada probinsiya.
“Ang pangalawa ay kung sinusunod ng STL operators ang mga patakaran at alituntunin ng PCSO, tulad ng limitadong pagbobola ng loterya at pagtukoy lamang ng mga lugar, kung saan gagawin ang kubransa at pagbobola. At ang pangatlo na siyang pinakamahalaga ay kung totoo ang reklamo ng LGUs na hindi wasto o dinadaya ng mga operator ang deklarasyon ng arawang benta,” paliwanag ng nasabing heneral, na nakiusap na ‘wag banggitin ang kanyang pangalan.
Ayon sa kanya, daang-milyong piso ang nananakaw sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng misdeclaration of STL sales na umano’y siyang pinagbabatayan ng kita ng lokal na pamahalaan kung saan nag-o-operate ang STL at ng sharing ng net income sa pagitan ng operators at ng gobyerno nasyunal na kinakatawan ng PCSO.
“Maging ang kita o share ng PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa operasyon ng STL ay naging kakarampot dahil sa pandaraya ng STL operators sa kanilang arawang benta,” dagdag na pahayag ng nasabing heneral.
Ayon pa sa kanya, isang malaking hamon sa gobyerno ni President-elect Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang pagpapa-imbestiga sa STL operations ng grupo ni Pineda na siyang itinuturing na pinakamalaki at untouchable na gambling lord sa bansa, lalo na sa hinalang prente lamang ng iligal na sugal, o jueteng, ang nasabing loterya.
(Pinoy Parazzi Invesitigative Team)
Pinoy Parazzi News Service