PAGCORBILANG TULONG NA rin ng PAGCOR sa magiging administrasyon ni papaupong Pangulo Noynoy Aquino, nararapat lamang umano na busisiin nito ang buong operasyon ng STL sa mahigit sampung probinsiya sa bansa, kabilang sa mga ito ang Pampanga, Bataan, Bulacan at Zambales na pinaniniwalaang pinatatakbo ni Rodolfo “Bong” Pineda.
Ito ang ipinahayag ng ilang lokal na opisyal sa bayan ng Bataan na nagsabing malaking halaga umano ang maibabalik sa kaban ng bayan at maitutulong na rin sa mga proyekto ni P-Noy kung maibibigay lamang ni Pineda ang halagang nararapat para sa pamahalaan.
“Tatlong isyu ang dapat umanong mapaimbestigahan sa STL operations ng grupo ni Pineda,” pahayag pa ng nasabing opisyal. “Una,” ayon sa kanya, “ay kung totoo ang hinalang ginagamit lang ng mga tauhan ni Pineda na prente ng jueteng ang operasyon ng loterya kada probinsiya.
“Ang pangalawa ay kung sinusunod ng STL operators ang mga patakaran at alituntunin ng PAGCOR, tulad ng limitadong pagbobola ng loterya at pagtukoy lamang ng mga lugar, kung saan gagawin ang kubransa at pagbobola. At ang pangatlo na siyang pinakamahalaga ay kung totoo ang reklamo ng LGUs na hindi wasto o dinadaya ng mga operator ang deklarasyon ng arawang benta.”
Ayon sa kanya, daang-milyong piso ang nananakaw sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng misdeclaration of STL sales na umano’y siyang pinagbabatayan ng kita ng lokal na pamahalaan kung saan nag-o-operate ang STL at ng sharing ng net income sa pagitan ng operators at ng gobyerno nasyunal na kinakatawan ng PAGCOR.
“Maging ang kita o share ng PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa operasyon ng STL ay naging kakarampot dahil sa pandaraya ng STL operators sa kanilang arawang benta,” dagdag na pahayag ng nasabing lokal na opisyal.
Pinoy Parazzi News Service