NARITO ANG mapait na karanasan ng labing-isa nating mga kababayan na nabiktima sa Amerika. Sana’y kapulutan ito ng aral ng mga maaaring mabiktima ng human trafficking: 1) Sila ay na-recruit ng isang ahensiya na ayon sa POEA ay walang record at “in good standing”; 2) Ang kanila raw employer ay isang kilalang kumpanya sa US; 3) ‘Eto pa: ang kanilang work visa ay aprubado ng US Embassy at US Department of Labor; 4) Nagbayad sila ng placement fee na $7,000 at pina-ngakuan ng suweldong $7.25 an hour.
Pero ‘eto ang talagang nangyari: Pag-landing nila sa iba’t ibang lugar sa US tulad ng Los Angles at Washington D.C., ni wala man lang sumalubong sa kanila. Nang tumawag sila sa isang numero, binigyan sila ng instruction na pumunta sa Biloxi, Mississippi kahit na iyon ay wala sa usapan nila sa kontrata. Pero sinunod pa rin nila ang instruction at sumakay sila ng tren at bus at nagbiyahe ng dalawa’t kalahating araw. Dahil wala silang pera, nagparte-parte na lang sila sa baong Skyflakes at isang bote ng tubig!
Pagdating nila sa Mississippi, sinabihan sila na magtatrabaho sila sa ilalim ng Royal Hospitality Services, Inc. At sa halip na tumanggap ng $7.25 sila ay sasahod lamang ng $4.75 isang oras. At ang quota nila ay maglinis ng 14 na hotel rooms bawat araw bawat isa gayong ang kaya lang nila ay makapaglinis ng 10 kuwarto.
Isa sa mga biktima ang nakagawa ng paraan para makatakas papuntang Los Angeles at makapagsumbong sa OWWA. Nang tawagan nila ang labor attache natin sa Washington D.C., nagkibit balikat lamang si labor attache at nagsabing “may mas importanteng dapat pagkagastusan ang pera ng gobyerno”.
Sino ngayon ang dapat managot sa kanilang mapait na dinanas sa US?
Ayon sa FBI at sa US Homeland Security, tatagal pa ng isang taon ang imbestigasyon at saka pa lang maisasampa ang kaso ng human trafficking.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo