TULIRO NA ang karamihan sa ating kababayan kung paano nga ba natin malulusutan ang kasalukuyan nating kinahaharap na problema sa Scarborough o Panatag Shoal.
Matatandaang ilang lingo na ang nakararaan simula nang “pisikal” na umokupa sa Panatag Shoal ang pamahalaang Tsina sa pamamagitan ng paglagay ng kanilang “stationary ships” bilang pag-aangkin sa nasabing bahagi ng karagatan sa West Philippine Sea na pinaniniwalaang “mayaman” sa deposito ng langis.
Katunayan ng kanilang pag-aangkin ay nagpatupad na ang bansang Tsina ng ng “fishing ban” kung saan wala nang maaaring mangisda roon.
Dahil sa nasabing kautusan ng Tsina, siyempre wala nang maaaring mangisda sa Panatag Shoal, kasama na ang mga Pinoy na nakasanayan nang mangisda roon simula pa sa kalolo-lolohan ng ating kanunu-nunuan!
Siyempre, kahiyaan na, parekoy, na tayong mga tunay na may-ari ng Panatag Shoal ay hindi na tuloy makapangingisda roon, kaya naman kaagad ding nagpalabas ng “fishing ban” sa nasabing lugar ang ating pamahalaan!
Para nga naman lumabas na hindi ang Tsina, kundi tayo na mismo ang nagbawal sa ating mga mangingisda na huwag mangisda roon.
Na kunwari eh, hindi tayo takot at hindi tayo tinitiris ng higanteng bansa ng mga Tsekwa!
Dahil sa letseng mga barkong pandigma ng Tsina na kasalukuyang lulutang-lutang sa Scarborough (Panatag) Shoal, kaya nagsagawa ng mga kilos-protesta ang marami nating kababayan (sa pangunguna ng mga aktibista).
Kinukondena natin ang “Mutual Defense Treaty” sa pagitan ng ating bansa at ng Amerika.
Kesyo dapat na itong ibasura dahil hindi man lang nagpaparamdam si Uncle Sam na sila ay tutulong sa atin sa ganitong sitwasyon na tinitiris na tayo ng mapagkamkam na bansang Tsina!
Hanggang sa dumaong na nga, parekoy, sa Zambales noong nakaraang linggo ang isang pinakabagong “submarino” ng Amerika, ang USS South Carolina.
Ito ay masyadong sopistikado na talaga namang kargado ng mga armamentong kailangan sa mariing labanan.
Ayon sa kasaysayan ng giyera, parekoy, “sisiw” o walang binesa ang malalaking barko kung ikukumpara sa submarino, pagdating sa larangan ng digmaan.
In short, ipinaramdam na ni Uncle Sam sa mga Tsekwa na, “hoy ‘wag kayong mambabraso ng maliliit na kapitbahay dahil narito kami na posible ring makialam!”
Pero alam ba ninyo, parekoy, na bigla na namang may nagprotestang mga aktibista para lumayas si Uncle Sam, dahil hindi umano natin kailangan ang nasabing submarine!
Susmaryosep! Ano ba talaga ang kailangan nating makita o maramdamang tulong ni Uncle Sam kung ang pag-uusapan ay ang “Mutual Defense Treaty”?
Gusto ba natin, parekoy, na ang labanan ay daanin sa daldalan o batuhan ng laway?
Eh, nariyan na nga ‘yang b’waka ng inang mga barko ng Tsina!
Ano ba dapat ang ipinangtatapat sa barkong pandigma, hindi ba’t submarino?
Oo nga parekoy, gusto nating maresolba ang nasabing gusot sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan, pero ‘ika nga eh, “we prefer peace but be ready for war”!
Kung ganitong paprote-protesta pa tayo kontra d’yan sa submarino, aba eh, ‘wag na tayong magngangakngak na “bakit hinahayaan tayo ni Uncle Sam?
Ang yabang kasi natin, parekoy, akala mo eh, kaya talaga nating ipaglaban ang ating kasarinlan gayong tinitiris na tayo ng Tsina! P’we!
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME 1530 kHz, AM band, alas 6-7 ng umaga, Lunes-Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction, ipaabot lang sa [email protected] o CP nos. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303