LANTARAN NA talaga ang iligal na sugal sa Lungsod ng Parañaque!
‘Yan, parekoy, ang dahilan kung bakit nanggagalaiti hindi lamang mga ordinaryong residente kundi maging ang ilang Brgy. Chairman dito sa nasasakupan ni Mayor Jun Bernabe.
Ang masakit parekoy, ang lahat ng ito ay nagaganap sa mismong tungki ng hepe na si Col. Beltran.
May katuwiran itong mga nagrereklamo kung bakit nila nasabi na sa mismong tungki ni hepe nagaganap itong Jueteng at Lotteng ng gambling lord na si James Jimenez.
Kasi naman, parekoy, dahil iwinawagayway nitong si Jimenez na sanggang-dikit niya si Mayor Bernabe kaya wala nang magawa itong si Col. Beltran.
At huwag kang magkamali, Chief, na sabihing hindi mo alam itong iligal na sugal ni Jimenez!
Dahil alam ng buong istasyon kung ano ang dahilan ng pag-iikot nitong si Captain Caise at pagkatapos ay tutuloy sa opisina mo!
Captain Caise, matanong lang kita, hindi naman kailangang mag-helmet ni Col. Beltran? Nakararating ba naman talaga?
O baka naman puro bukol ang inaabot ni hepe sa iyo? He, he, he!
MATAPOS NATING isiwalat ang istayl ni TINA YU, ang tinaguriang plastic queen sa Bureau of Customs, na ibinulgar ng ating tawiwit na naglalagay umano ng P300,000.00 bawat container sa mga appraiser at examiner para mailusot lang ang mga parating na bakal at resins at mga sangkap sa paggawa ng plastic.
Na kahit ang kanyang “import permit” ay para lang sa “transhipment sa Subic Freeport”, pero nagagamit niya ito para mailusot hanggang sa Port of Manila ang mga “parating” mula sa China, Vietnam at paminsan-minsan ay Singapore.
Isiniwalat rin natin si Jeffrey King, ang bumubuhos naman dito sa ‘Pinas ng mga piniratang DVD, mga fake na ladies bags at iba’t ibang uri ng relo.
Kung sa loob ng Customs ay may mga appraiser at examiner na kasabwat itong si Jeffrey King, paglabas ng BOC ay mayroon siyang Major de Jesus at General Laurel na taga-salo para matiyak na plantsado ang kargamento!
Ganyan, parekoy, kalupit ang konek nitong si Jeffrey King na ayon sa ating tawiwit ay doon pala nagpupulong ang mga galamay nito sa restaurant ni King sa Ongpin!
Maliban kina plastic queen Tina Yu at Jeffrey King, matunog din ang pangalan ng tinaguriang JADE BROS (Kuya George Tan at David Tan).
Lintek, parekoy, ang konek ng mag-utol na ito sa mga examiner at appraiser, na kahit nasa kasagsagan noon ang kampanya ni Comm. Biazon ay lusot pa rin ang parating ng Jade Bros. gamit ang iba’t ibang pwerto ng bansa!
Maliban sa mga nabanggit, dinadakila rin sa Customs itong si alyas Big Mama, dahil maliban sa may angkin itong “big tits”, tiyak pa na “big pocket”!
Sa susunod na natin ibubunyag ang mga pangalan ng mismong mga opisyal sa loob ng BOC na sangkot sa mga katarantaduhan.
Unahin muna natin itong dalawang “fixer” na nagpapakilalang malalakas sa Palasyo dahil amo raw nila ang isang senador at isang kongresista na parehong “sipsip-linta” kay P-Noy!
Ang partnership parekoy nina TONY at CESAR ay pinangingilagan maging ng ilang examiner at appraiser dahil nga sa kanilang konek!
Mistulang express lane, parekoy, ang dinaraanan ng mga dokumento na kanilang personal na ipino-proseso, kaya naman matunog ang pangalan ng kanilang partnership.
‘Ika nga, ibigay kay Cesar ang kay Cesar, at kay Tony naman ang kay para Tony!
Kaya lang, sobra ang gulang ng dalawang ito, dahil hindi kukumpas ang kanilang mga daliri kung hindi advance ang payment!
Kahit nga may isang kargamento, parekoy, na nasilat noong Disyembre na hindi nailabas mula sa Aduana ay hindi pa rin makaangal ang kanilang mga kliyente.
Siguro sa susunod na lang na New Year ibebenta ang mga nasilat na paputok!
Kung puputok pa! Hak, hak, hak!
(May karugtong)
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303