Nata-touch kayo sa kuwento. Kung minsan, hindi n’yo mapigilan, naiiyak din kayo sa mga eksena, lalo na kapag nagsasalita na si Santino o me napapagaling siya o nababago niya ang pananaw sa buhay ng isang tao.
Pero si Zaijian Jaranilla ay isang ordinaryong bata pa rin. ‘Pag nasa set, naglalaro. ‘Pag nasa dressing room o nasa tent at hindi pa kinukunan, makikita mo siyang abala naman sa pagpindot-pindot sa kanyang PSP.
Sa ngayon, nangunguna sa ratings sa Primetime Bida ang May Bukas Pa na para sa mga tao ay ito ang nararapat na programang napapanood ng marami sa gabi. Dahil bukod sa nakaka-relate ka na sa mga sitwasyon, gagaan pa ang pakiramdam mo, dahil ang bata pa ang nakakaisip ng solusyon sa ikabubuti ng nakararami.
Sa hirap ng buhay ngayon, timing ang pagdating ni Santino sa buhay ng bawat Juan. Isa siyang inspirasyon, motibasyon at higit sa lahat, pag-asa ng bawat isa.
Sa sobrang love ng buong cast kay Santino, lagi kaming nagdadayalog kay Santino na, “Anak, lagi kang mag-iingat, ha? Sisikat ka. At alam mo naman, sa ‘yo nakasalalay ang kabuhayan ng buong cast, crew at production staff!”