KAMAKAILAN AY ibinalita ng media sa Lebanon na isang Pinay — si Criselda Indaya Canonico — ang nagpatiwakal. Tumalon daw siya mula sa ikasampung palapag ng gusali na kung saan nandoon ang unit ng kanyang amo na pinaglilingkuran. Ngunit makalipas ang ilang araw, lumalabas sa imbestigasyon na nalaglag si Criselda dahil napigtas ang tali na kanyang kinakapitan para makababa sa gusali. ‘Yun pala’y tumatakas siya mula sa muling pang-aabuso ng kanyang amo kaya napilitan siyang maglawit ng tali mula sa kanyang bintana.
Kinabukasan, isa na namang Pinay na domestic worker ang namatay dahil tumalon daw mula sa mataas na palapag ng kanilang tinitirhan sa Hong Kong. Ayon sa mga Hong Kong authorities, suicide daw ang kanyang ikinamatay. Ngunit nagre-request ng imbestigasyon ang mga kamag-anak niya dahil sabi ng mga kasamahan sa trabaho ng Pinay ay itinulak siya ng kanyang amo mula sa bintana.
Ang dalawang kasong ito ng mga kababayan natin ay hindi una — at lalong hindi huli – na kaso ng diumano’y suicide, ‘yun pala’y homicide na dahilan ng pagkamatay. Kaya’t maimumungkahi natin na kapag misteryoso ang kamatayan ng isang OFW sa ibang bansa, dapat ipa-awtopsiya ang kanyang bangkay o kaya’y saliksikin ang tunay na dahilan ng pagkamatay. Anu’t ano man, kahit pa tunay na suicide ang dahilan, tiyak na may dahilan kung bakit iyon nagawa ng ating kababayan. Dapat din itong alamin para sa matagalang pagbabalangkas natin ng patakaran para bigyan ng proteksyon ang ating mga kababayan.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo