SA ISANG pag-aaral na isinagawa ng isang NGO sa Middle East, natuklasang LINGGO-LINGGO ay may nagpapakamatay na migrante sa Lebanon. Karamihan sa kanila ay mga taga-Pilipinas, Ethiopia at Bangladesh. Diumano, nagpapatiwakal sila sapagkat hindi na nila makayanan ang hirap ng kanilang kalagayan at pagmaltrato sa kanila ng kanilang mga employer.
Nakababagabag ang balitang ito dahil mas maayos-ayos ang kalagayan ng mga OFW sa Lebanon kaysa ibang mga bansa sa Gitnang Silangan. Ano pa kaya ang dami ng suicide sa mga bansang tulad ng Jordan, Kuwait o Syria at iba pa?
Ang ugat ng problemang ito ay ang ‘di makataong pagtrato ng mga employer sa ating mga OFW. Mahalagang isaalang-alang ng ating pamahalaan ang dami ng suicide sa isang bansa bilang palatandaan ng ganda o sama ng pagtrato nila sa ating mga OFW. Sa gayon, maaaring i-review ng Pilipinas ang posibilidad ng pagpapataw ng deployment ban sa nasabing mga bansa.
Gayundin, kailangang maging maingat din tayo sa basta pagtanggap na lamang sa istorya ng suicide. Marami-rami na ring kaso ng mga kababayan natin na napabalitang nagpakamatay, pero ‘yun pala ay pinatay sa ibang bansa. Anu’t ano man, kamatayan pa rin ang resulta ng pagmaltrato sa ating mga OFW.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo