SALAMININ ANG aral ng kalikasan. Mabuting binhi, mabuting bunga. Iwasang magtapon ng dumi at basura sa dagat at ilog, walang baha. Marami pang iba.
Pagkalipas ng typhoon Gener, mahigit na 300 trak ng basura ang isinuka ng Manila Bay sa Roxas Blvd. Naging halos dagat-dagatan din ang lugar na ito. Inabot ng mahigit isang linggo ang paghahakot ng MMDA na ga-bundok na basura. Plastik, troso, kahoy, metal at iba pa na walang pakundangang itinapon sa dagat. Mga ito’y isinuka ng kalikasan.
Angal tayo nang angal sa baha. Ngunit tayo ang pasimuno at pasaway. Eksperto tayo sa paglapastangan sa regla at batas ng kalikasan. Pasaway rin ang mga taong tuwing malakas na bagyo at inililikas sa evacuation areas. Kahit anong warning, ayaw iwan ang tahanan. Paglulubog na saka nagkukumahog, tumatangis ng saklolo.
Mga rescue equipment, kulang na kulang. At mga ito, saka lang magsisisihan ng kakula-ngan ‘pag may unos at baha. Pangakong declogging ng esteros, paggawa ng dam dikes at iba pang pangangailangang matunog lang ‘pag may emergency sa sitwasyon. Ang mga pangako, naiiwan sa pangako.
Ngunit maraming ehemplo ng kabayanihan ang nakatataba ng puso nu’ng nakaraang baha. May mga naghandog ng buhay, tumulong sa mga evacuation centers at nag-contribute ng pagkain at salapi. Espiritung ito ay likas sa Pinoy.
Pinagmamalaki ng Pangulong Noynoy na bibigyan niya ng matagalang lunas ang problema ng baha. Nagpatawag siya ng summit ng LGUs para balangkasin ito. Sana’y magkaresulta. Sana’y di mauwi sa ningas-kugon.
Kundi, ang Pangulo ang isusuka ng hirap na hirap at nagtitiis na bayan.
SAMUT-SAMOT
ANG PAGMAMAKTOL ni DOJ Sec. Leila de Lima dahil sa ‘di niya pagsama sa JBC list ay ‘di na nakatutuwa. Maaaring paglabas ng pitak na ito ay nahirang na ang susunod na Supreme Court Chief Justice. Subalit dapat pa ring pag-usapan ang naging attitude ni De Lima. ‘Di ba nakahihiya – kung ‘di nakaiinis – ang naging actuations niya? Ni ‘di nagpakita ng self-respect o kaunti mang delicadeza. Pumasok sa kokote ang kapangyarihan.
NAKASAMA PA ang pagsama ng ilang LP senatoriables sa pamimigay ni P-Noy ng relief goods sa mga binahang bayan ng typhoon Gener. Smack of politicking. Anong papel halimbawa ni Cong. Sonny Angara sa pagsama? Taga-Quezon province siya. Si TESDA Director Joel Villanueva at Pia Hontiveros? Ano ang mga ito, hilo? Matatandaan ng mga botante ang insidenteng ito. Lalo kayong ‘di maalaala at mananatili sa bottom ng senatoriables. Sino ang nagpayo ng ganitong political gimmick kay P-Noy? Si Sec. Ronald Llamas?
HABANG TYPHOON season lang pinag-uusapan nang mainit ang flood control, evacuation ng informal settlers, dam buildings, etc. Masdan ninyo. O itaga ninyo sa bato. Pagsikat ng araw, baon na sa limot ang mga ito. Iba na namang isyu. Ganyan tayong mga P-Noy. Ningas-cogon. Walang persistency. Kaya sa lahat ng bagay, kulelat tayo.
BIRO MO isang underdeveloped na bansa, Uganda, ay nagtamo ng isang gold medal sa track and field sa nakalipas na London Olympics. Isang athlete participant lang ang pinalahok ng bansa. Ganyan din ang Kenya at Ethiopia. Ang Hong Kong ay nagkamit din ng isang bronze. Ang ‘Pinas? As usual, bokya. Umani ng kalabasa. Sayang ang ginastos na training sa 11 athletes. Ni isa ‘di umabot ng qualifying round. Nagpasasa na naman sa expensive junket ang mga sports official. Mahigit na P15-M nagalpong. Sayang na halaga na katumbas na ng maraming bahay-paaralan.
MARAMING TOTOO ang hinala ni VP Jojo Binay na may demolition job laban sa kanya. At tila ang ginagamit ay COA. Mga nakalipas na projects ni Binay nu’ng siya ay alkalde pa ay nire-reaudit. Nakaaamoy raw ng nakatagong ano-malya. Ang berdugo ng COA ay si Commissioner Heidi Mendoza. Kinakasuhan si Binay. Ngawa siya nang ngawa. Ngunit wika ng marami, kung wala siyang tinatago, ‘di dapat matakot. May katuwiran.
MAPANGAHAS ANG pulitika. Walang ama-ama, anak-anak, o kaibigan-kaibigan. Tingnan natin ang nangyayari sa Camarines Sur. Lolo at apo, naglalaban sa pagka-gubernador. ‘Di ba masagwang tingnan. At ang lolo ay sobrang tulisan ang pag-iisip. Ayaw pang magbigay sa apo. May lumot na ang puwet sa puwesto. Kita ninyo ang ating uri ng pulitika?
KASAMA KAMI sa pakikiramay sa mga naiwan ni Rep. Sonny Escudero. Napakabata pa (edad 69) para pumanaw. Marami pa siyang magagawa sa bayan at kanayunan. Nagkasama kami ng maikling panahon nu’ng bise-presidente si Doy Laurel. Masayahin, mabiro at matalinong mambabatas. ‘Pag may masayang sipol na kaming narinig sa umaga, walang duda si Ka Sonny na. Laging may dalang munting pasalubong. Napakaikli ng itinakda sa kanyang panahon. Sayang. May his soul rest in peace.
BILIS NG isang taon! Ganito katagal na ang pitak na ito na tinatagurian nating labor of love. Ewan kung ilan ang mambabasang suki ko. Siguro lalampas na naman sa isang dosena. Sa loob ng ‘sang taon, katakut-takot na paksa ang tinalakay ko. Sabi ng ilang mambabasa, kaiba ang pitak. Nagdiriwang ng munting bagay o alamat sa buhay na malimit ‘di natin pansin. Bumabatikos sa kamanhidan sa kapwa, sa mga nagugutom at inaapi. Nagpupuri sa biyaya ng Diyos at handog Niyang buhay.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez