Suklay at Gunting

KUNG SA manunulat ay pluma at sa magsasaka ay araro, ang sandata ni Pete Oriel, 60, sa pag-survive sa buhay ay suklay at gun-ting. Mahigit ko na siyang 30 taong barbero simula pa roon sa Madras, Makati City. Hanggang ngayon, paglipat ko dito sa Pasig City, barbero ko pa rin siya. Minsan isang linggo ang home service sa bahay.

Maituturing kong parehong kaibigan at kapatid si Pete. Sa pagpapalit ng panahon – ulan, araw, tagumpay, luha – sa aking buhay, naging kasama ko siya. Simpleng nilalang. Walang matayog na pangarap kundi mabuhay araw-araw ng matiwasay, ligtas sa karamdaman at mapagtapos sa pag-aaral ang dalawa niyang anak.

Kaibang uri ng galing ni Pete sa paggugupit. Napakagaan ng kamay. May haplos na tila hanging amihan. Isang kagalingang pinagkaloob sa kanya ng Diyos para tupdin ang misyon niya sa buhay.

Minsan, may isang walang kabagay-bagay kaming ‘di napagkasunduan. Nagtampo ako at ‘di siya pinatawag nang mahigit isang taon. Naghanap ako ng kanyang kapalit. Ngunit ‘di madali. Hinahanap-hanap ko ang uri ng kanyang serbisyo. ‘Di naglaon, nilulon ko na ang aking pride. At lalong nag-ibayo ang aming pagkakaibigan.

Si Pete ay tubong-Sta. Cruz, Laguna. Panggugupit ang kinalakihan niyang hanapbuhay. Dalawang kapatid niya ay kapwa barbero rin. At ang kabiyak niya ay hairdresser at manikurista. Dahil sa sipag at tiyaga, napagtapos niya sa kolehiyo ang dalawang anak. ‘Yong lalaki ay isang mechanical engineer, nakabase sa Saudi. Samantala ang anak na babae ay namamahala ng ‘sang paaralang pribado sa San Pablo City.

Maliliit na buhay. Maliliit na pangarap. Ngunit ‘pag nakamit, matayog ang kaligayahan. Ganito ang naging buhay ni Pete. Isang ordinaryong nilikha na nakikibaka sa masalimuot na buhay. May pananalig sa pagpapala ng Diyos at kabutihan ng kapwa.

‘Pag minsan, nakaiinggit siya. Lalo na ang kanyang pagkawalang muwang at paghahangad sa mataas na pangarap. Sa kanyang kababaang loob at pagpupunyagi, nasa sa kanya ang paraiso sa lupa.

SAMUT-SAMOT

 

SIN DUDA. Walang kaduda-duda na mahal natin ang pumanaw na Comedy King sampu ng kanyang pamilya. Subalit may isang bagay kaming napuna – na ‘di nila kagagawan. Overkill, overdose ang ginawang minuto-minuto at oras-oras na parangal sa kanya ng isang dambuhalang TV network. Masyadong pumapel, kinomercialized ang kanyang lamay at libing. Ito ang ugali ng istasyong ito. Halos gawin ang Comedy King na santo. Siguro, si Dolphy mismo ay naasiwa sa mga overdose na parangal.

MAY ISA ring political figure na pumapel nang husto sa lamay at libing ni Dolphy. Noon ko lang nalaman na close pala sila ng Comedy King. Sa final tribute, ang haba ng kanyang talumpati. Limpak-limpak na TV mileage ang nakuha niya. Subalit ito ay maaa-ring mag-boomerang. Maraming na-turn off. Subalit kailangan niya ang ganitong exposure. Nanganganib siya sa re-eleksyon. ‘Ala kasing performance. Puro pakulo.

SA AFTERNOON broadcast ng CNN panay ang spotlight sa Palawan as a first class tourist destination. Wow talaga si Mayor Hagedorn, hanep magpakulo. Biro mo ang global mileage nito. Buti pa gawin din siyang DoT consultant.

SA WAKAS, ang mahabang kamay ng batas ay nasakote na si dating PCSO Chair Manoling Morato. Kasama ni dating Pangulong GMA, sinampahan siya ng kasong Plunder ng Ombudsman sa Sandiganbayan dahil sa misuse ng P395-M pondo ng PCSO. Open and close case ang case. Ang pinakamasakit, non-bailable! Bukod dito, may electioneering case pa siyang hinaharap. Malamang, mga natitirang taon niya sa buhay ay mauuwi sa paghihimas ng malamig na rehas. Nakakaawa ba siya?

NABAON NA ang bansa sa kumunoy sa problema ng Scarborough Shoal. Ni U.S. or ASEAN ay ayaw makialam – o tayo’y binu-bully ng demonyong Tsina. Tayo, puro file lang ng diplomatic protests na ‘di na pinakikinggan. 30 fishing vessels na ang nasa Scarborough. ‘Di natin maitaboy. Salat tayo sa military muscle. Sobrang mishandled ni P-Noy ang problema.

WARI KO, ‘di kasalanan ng isang Q.C. pulis na lumusot siya sa convoy ng presidential escorts ni Pangulong P-Noy kamakailan sa may Batasan. ‘Di raw niya alam, kasi walang blinkers o wang-wang. ‘Yon ang resultang problema. OA ang ‘di paggamit ng wang wang ni P-Noy. Karapatan niya ito dahil ang kanyang seguridad ay national concern. Panahon na upang baguhin niya ang sistema para ‘di mapahamak ang walang malay na mamamayan.

ATTA GIRL! Patungkol ito kay Ombudsman Conchita Morales-Carpio bilang papuri sa kanyang mabilis na aksyon sa mga graft cases ni dating Pangulong GMA. Dating natutulog katulad ng mga kaso sa sala ng dating Ombudsman. Ngayon – without sacrifi-cing due process – action agad. Matuwid na daan – mabuhay! Dapat ding saluduhan ang Pangulo sa pagpili kay Carpio. Ideal and conscientious public servant. Atta Girl!

MAG-TSEK NG blood pressure at least twice a day lalo na sa mga may high blood ailment. Madali namang gawin. ‘Wag nang maghintay ng emergency situation. Ang sakit sa puso ay traydor. Karamihan – lalo na ang mga dukha – ‘di alam na may high blood sila. Kain dito, kain doon ng matataba at maalat. Walang patutunguhan. Dapat maglingkod ang DOH ng BP educational program sa mga depressed areas.

‘DI AKO sang-ayon na alisin ang charity wards sa government hospitals at palitan ng PhilHealth care. Sa urban areas p’wede.  Subalit sa rural areas na under PhilHealth, papaano?

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleYes Magazine 2012 100 Most Beautiful Stars
Next articleThe 30 Million-Peso Question!

No posts to display