MAHIRAP TUMIPA NG makinilya habang umaandap-andap ang mga mata mo na parang nagmamakaawa at humihingi ng kahit kaunting tulog lang. Puyat na puyat kami habang sinusulat ang kolum na ito. Magdamag kaming tumutok sa CNN, kung saan live nilang ihinain sa buong mundo ang pagpapahalaga/pag-alala sa namayapang King of Pop na si Michael Jackson.
Ginanap ang “Michael Jackson—The Memorial” sa Staples Center sa Los Angeles, California. Tinatayang dalawampung libong tagasuporta ng Pop Icon ang personal na sumaksi sa kanyang tribute. Bilyon naman ang tumutok sa telebisyon para tunghayan ang palabas.
Totoong-totoo ang sinabi ng kanyang kapatid na si Jermaine. Hindi naman natin kaano-ano si Michael Jackson. Ni isang patak na dugo lang ay wala tayong relasyon sa kanya, pero tumatangis ang buong mundo sa biglaan niyang pagkawala.
Tumitindig ang mga balahibo namin nu’ng ipasok na sa Staples Center ang mga labi ng King of Pop. Habang kumakanta sa isang madilim na kapaligiran ang isang choir na ang mga linyang binibitiwan ay “No more crying, we are going to see the king,” tinutukan naman ng spotlight ang pagpasok ng kabaong ni Michael Jackson na dahan-dahang itinutulak ng kanyang mga kapatid na lalaki.
Punumpuno ng mga pulang bulaklak ang ibabaw ng kanyang kabaong. Ipinuwesto ang kanyang bangkay sa mismong gitna ng stadium, malapit lang sa mismong harapan ng entablado kung saan siya inalala at binigyan ng panghuling respeto ng kanyang mga kasamahang singers, mga nakatrabaho sa recording at ng kanyang mismong pamilya.
Mawawala sa bokabularyo mo ang antok, hindi mo mamamalayan na mag-uumaga na pala, dahil makabuluhan ang panoorin lang bilang huling pagkaway sa King of Pop na naging bahagi ng ating buhay-musika.
Si Mariah Carey ang unang kumanta, “I’ll Be There” ang piyesa nito, isa sa mga pinasikat na kanta ni Michael Jackson na pumuno sa laman ng kanyang bulsa sa lakas ng benta.
Pagkatapos, sunud-sunod nang nag-alay ng awitin sina Lionel Ritchie, Stevie Wonder, Jennifer Hudson, Elton John, Usher at marami pang iba. Nagbigay naman ng kanilang huling pamamaalam kay MJ sina Brooke Shields, Kobe Bryant, Magic Johnson at ang mga naging prodyuser ng matatagumpay niyang album.
May sarkasmo ang binitiwang pananalita ni Marlon, kapatid ni Michael, “Maybe now, Michael, they will leave you alone.” Tinalakay nito ang magulo at punumpuno ng kontrobersiyang buhay na pinagdaanan ng kanyang kapatid. May bikig sa lalamunan nitong sinabi na maraming humusga kay Michael. Kaya ngayong wala na siya, siguradong makakamtan na niya ang tunay na pakahulugan sa salitang katahimikan.
NU’NG KANTAHIN NA ng mga sikat na singers ang “Heal The World” at “We Are The World,” ipinakita sa CNN ang nagaganap na pagluluksa sa buong mundo. Mula sa iba’t ibang bansa, maraming nagtipun-tipon para bigyan ng huling pagsaludo ang King of Pop. Ayon sa report, ito ang pinakatinutukang panoorin sa buong mundo na nilampasan pa ang bilang ng mga sumaksi sa pagkamatay/libing ni Princess Diana, pati ang pagtutok ng buong mundo sa pagkamatay nina John Lennon at John F. Kennedy.
At sa unang pagkakataon, tinanggalan ng talukbong ang ulo ng mga anak ni Michael Jackson, sina Prince Michael, 12, Paris Katherine, 11 at Prince Michael II, pitong-taong gulang.
Makawasak-puso ang binitiwang pahayag ng maganda niyang anak na si Paris Katherine, umiiyak na sinabi ng dalagita, “Eversince I was born, daddy has always been the best father that you could ever imagine.”
Makabuluhan din ang mga pahayag ng mga sikat na basketbolistang sina Kobe Bryant at Magic Johnson. Sinabi nila na hindi sila nahirapang katukin ang pintuan ng oportunidad sa mga tulad nilang Itim, dahil nauna nang binuksan ‘yun ni Michael Jackson para sa kanila.
Hay, naku! Puyat na puyat man kami ngayon at parang nagtutubig ang mga tiklado ng makinilya habang nagsusulat kami, wala kaming pagsisisi.
Ito ang pagpupuyat na makabuluhan. Wala ka man sa Staples Center, parang nandu’n ka na rin, kumakaway sa kabaong ni Michael Jackson bilang huling sultada ng pamamaalam.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin