Sumainyo ang isang masaya, ligtas at malusog na Pasko!

WALONG TULOG na lang at Pasko na naman. Hayaan ninyong sa pangalan ng buong PhilHealth Team ay batiin na namin kayong lahat ng isang maligaya, ligtas at makahulugang Pasko.

Kapansin-pansin na talaga ang holiday frenzy. Sobrang kapal na ng mga tao sa mga shopping mall para mamili ng mga regalo para sa mga kaibigan, katrabaho at mga kapamilya.

Punung-puno na rin ang mga palengke para masigurong makabibili sila ng mga kailangang sangkap sa kanilang ihahain sa Noche Buena.

Lahat ay talagang in shopping mode na. Ito naman ay minsan lamang sa isang taon kaya kahit na stressful ay napagpapasensiyahan natin ang mga hassles na dulot ng Kapaskuhan, mula sa napakahabang pila at matagal na paghihintay sa cashier, maingay na malls at mga pamilihan, makapal na dami ng tao na sa iba’t ibang direksiyon ang punta, masikip na lansangan, hanggang sa napakabagal na daloy ng trapiko.

Bukod diyan ay nariyan pa rin ang ilang mapagsamantala gaya ng malaking patong sa presyo ng bilihin at maging ng street robbery.

Kaya nga hindi natin pinagsasawaang magpaalala sa mga kababayan nating mag-ingat at maging matalino para huwag maging potential victims ng mga mapagsamantala. Huwag masyadong maging fabulous kapag lalabas na ng pamamahay, at kung talagang wala namang mahalagang bibilhin ay mas mabuting mamalagi na lamang sa bahay para makabawas na rin sa pagsikip ng lansangan.

Ngunit ang isang mahalagang health concern sa mga nabanggit ko sa itaas ay ang posibilidad na magkaroon tayo ng matinding sipon at ubo o kaya ay trangkaso dahil sa paglamig ng panahon at sa pagsasama-sama ng napakaraming tao sa mga enclosed areas gaya ng shopping malls, restaurants, at common activity areas.

Mataas ang posibilidad na mahawa tayo sa mga matataong lugar kaya nga dapat tiyaking may sapat tayong proteksiyon gaya ng panyo o ano mang maaaring ipantakip sa ilong at bibig kapag babahin o kung may umuubo at bumabahin na sa iyong paligid.

Mahalaga rin na tayo ay may malakas na resistensiya sapagkat ito ang pinakamabisang proteksiyon para makaiwas sa mga sakit na ito. Makatutulong na may sapat na tulog, tamang pagkain lalo na ng mga sariwang isda, gulay at prutas, at sapat na ehersisyo para magkaroon ng sapat na resistensiya.

Ang mga ito ay sadyang mabisang pananggalang sa mga sakit na dulot ng panahong ito na lagi nating sinasabing “the most wonderful time of the year”.

Ang pagkakasakit ay naiiwasan at kung disease-free, it is truly the most wonderful time of the year. At para talagang masagad natin ang sayang dulot ng Kapaskuhan, hangarin po natin ang pagkakaroon ng malusog at malakas na pangangatawan.

‘Ika nga ay health is wealth at talagang nalulubos natin ang kasiyahan sa piling ng mga kaibigan at kapamilya kapag tayo ay walang sakit o dinaramdam sa katawan.

Kaya hindi talaga nakapagtataka kung hinahangad na ng marami na iwan na ang hindi tamang lifestyle dahil dito talaga karaniwang nagmumula ang maraming karamdaman gaya ng hypertension, diabetes, heart attack at iba pa.

Pasko man o hindi, the best decision talaga ang pag-iwas sa mga pagkaing maaalat at mamantika, at ang special bias sa isda at high fiber foods gaya ng gulay, prutas at brown rice.

Ang malabis na pagpupuyat at mataas na levels of stress sa trabaho at bahay dahil sa ating paghahangad na matapos ang lahat sa isang araw o kaya ay sa pagiging perfectionist ay walang dudang sanhi ng malubhang pagkakasakit ng marami nating kababayan sa ngayon.

Sa madaling salita, maghinay-hinay po tayo sa lahat ng bagay. Nawa’y maging productive pero relaxed ang ating mga araw lalo na sa darating na bagong taon. Kung sa nakaraan ay halos sa opisina na tayo matulog dahil sa dami ng trabaho, ngayon naman ay bigyan natin ng sapat na panahon ang sarili at ang ating pamilya.

Walang duda na makatutulong ang mga ito sa pagganda ng ating mga pakiramdam, ng ating pananaw, pisikal na pangangatawan, at ng  mahahalaga nating relasyon sa pamilya, mga katrabaho at mga kaibigan.

Ito po ang wish namin sa inyo ngayong Pasko at sa maraming taon pang darating.

MAHALAGANG PAHABOL: Tiyakin po nating updated ang ating kontribusyon sa PhilHealth. Para sa huling quarter na ito ng 2014, maaaring magbayad sa aming accredited collecting partners na pinakamalapit sa inyo.

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleAng Advent Season
Next articleDrug Lord rules in the Philippines!

No posts to display