FLIGHT IS a sign of guilt! Ito ang madalas na sinasabi sa korte hango sa isang jurisprudence. Ngayong nahuli na si Cedric Lee at kasamahan nito sa kasong pambubugbog at serious illegal detention sa aktor na si Vhong Navarro, usap-usapan ang pagtangka umano nito na takasan ang mga naghahanap sa kanyang mga miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI). Mariin naman itong itinatanggi ng mga suspek.
Nais kong pag-usapan natin ang ilang mga teknikalidad na maaaring makaapekto sa kasong kinahaharap nila Cedric at mga kasamahan nito. Ang isyu ng pagsuko o pagtakas at pag-amin sa kasalanan ay ilan sa mga teknikalidad ng kaso na ito na maaaring magpababa o magpabigat sa parusang kakaharapin ng mga nasasakdal kung sakaling sila ay mapatunayang nagkasala.
Susubukin nating himayin ang mga teknikalidad sa kaso at magkaroon ng pagtataya para lubusan nating maunawaan ang tatakbuhin ng kaso.
GAYA NG nabanggit sa itaas hinggil sa tangkang pagtakas nila Cedric at mga kasamahan nito, ang batas ay may partikular na pagkiling sa pagtuturing na “guilty” ang isang akusado kung mapapatunayan nga na nagtangkang tumakas ang mga ito. Ito ang pakahulugan sa pahayag na “flight is a sign of guilt”. Kaya naman siguro todo-tanggi sila Cedric at mga kasama nito na hindi sila tumakas. Mayroon lang umano silang inaasikasong business sa lugar, kung saan sila nasukol ng mga taga-NBI.
May mga nagsasabi naman na mas maigi ang pagsuko at pag-amin ng isang krimen kung tunay ngang ginawa ito ng nasasakdal. Ang pag-amin kasi sa krimen na ginawa ay nakababawas sa trabaho ng mga pulis at korte, bukod pa sa nakatitipid ang estado. Dahil dito ay kadalasang ibinababa ng hukuman ang parusa sa nagkasala.
Ang isang halimbawa nito ay ang parusang kamatayan o death penalty na isang capital punishment, kung saan ibinababa ito sa reclusion perpetua o habang buhay na pagkakakulong dahil sa pag-aming ginawa ng nagkasala.
Sa kaso naman nina Cedric at kasamahan nito, tila hindi na rin maibababa ang parusa sa kanila kung sakali mang umamin sila sa kanilang nagawang krimen. Ito ay dahil sa walang death penalty na umiiral ngayon sa ating bansa. Kaya ang habambuhay na pagkakakulong na kaparusahan sa kasong serious illegal detention ay mananatili kahit pa umamin sina Cedric at mga kasamahan nito sa kanilang kasalanan.
Ang masalimuot ngayon sa kaso nila Cedric Lee, Deniece Cornejo at iba pang nasasakdal ay ang ginawa nilang pagtatago sa batas. Mas lalo lang nilang idinidiin ang kanilang mga sarili sa kasong ibinibintang sa kanila dahil dito. Dapat ay sumuko na si Deniece at harapin na lang niya ang kanyang kaso kaysa hintayin pa niyang masakote siya ng NBI. Mas bibigat pa ang kaso niya kung magkakataon.
TILA NAMAN isang bagong pagsuko o pagtakas ang hinaharap ng ating bayan sa isang makapangyarihang bansa gaya ng U.S. Ngayong nakadalaw na sa bansa si U.S. President Barack Obama ay tila wala na tayong takas sa isang bagong kasunduang militar na nakatakdang lagdaan sa mga susunod na araw. Ito ba ay nangangahulugan ng pagsukong muli ng ating kasarinlan bilang isang bansang may sariling soberenya?
Sa bagong kasunduang militar ay nakasaad ang mas malimit na balikatang pagsasanay ng mga sundalong Amerikano at Pilipino. Bukod pa rito ay ang pagpasok ng mas maraming sundalong Amerikano at mga naglalakihang barkong pandigma ng U.S.
Ang ibig sabihin ay literal na magiging underdog na naman ang ating hukbong sandatahan sa sarili nating teritoryo sa mga sundalong Kano. Wala tayong laban sa mga kagamitang militar na dadalhin nila rito. Maaaring wala rin tayong kapangyarihan na pangasiwaan sila at ma-regulate ang kanilang mga naising gawin dahil wala nga tayong kapangyarihan para ipatupad ito.
SA ISANG banda naman ay maaari ring tingnan na ito’y isang pagpapalakas sa ating kapangyarihan bilang isang bansa na may kakayahan na ipagtanggol ang ating bansa sa mga nanggigipit na mas malalakas na bansa gaya ng China.
Maliwanag ding ipinangako ni Obama ang kanilang suporta at pagtatanggol sa oras na kailanganin natin ang kanilang puwersang militar. Maigi ring nanggagaling mismo sa bibig ng Pangulo ng U.S. ang pangakong ito.
Sana na lang na ang bagong kabanata ng balikatang militar na ito sa pagitan ng Pilipinas at U.S. ay tunay na magdala ng kapayapaan at kaginhawaan sa ating buhay. Sana rin ay dito na ang magtapos sa panggigipit na ginagawa sa atin ng bansang China.
ANG BUHAY na tao ay minsan nakabitin sa dalawang pagpili sa pagitan ng pagsuko at pagtakas. Ang pagsuko ay nangangahulugan ng panghihina ng loob at pagkatalo. Ang pagtakas naman ay isang paraan ng karuwagan.
Maaari nating hindi piliin ang alin man sa dalawa. Ang pakikibaka hanggang sa huling patak ng ating dugo ay natural sa ating mga Pilipino. Ipinamalas ito ng ating mga bayani mula pa sa lahi nila Lapu-Lapu, Bonifacio at Del Pilar. Ito rin ang ipinakitang kabayanihan ng bayaning si Ninoy Aquino nang ialay niya ang kanyang buhay para sa ating kalayaan mula sa isang diktadurya at pagkamit ng demokrasya.
Kailan man ay hindi tayo dapat sumuko o tumakas sa ating mga suliranin bilang isang bansa!
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo