Sunflower sa Diliman

KALAGITNAAN NG Disyembre itinatanim ang halamang sunflower para ito’y mamulaklak sa gitna ng Mayo o Hulyo. Ayon ito sa isang matandang hardinero ng U.P. Diliman. Tila buto ng pakwan ang buto ng halaman na nanggagaling sa Ilocos region. ‘Di masyadong alagain. Tuwing ikalawang araw na bungkal sa lupa at spray kung kinakailangan ng isang mild insecticide.

Gaya ng sabi ng hardinero, ang halaman ngayon ay buong gandang namumulaklak sa tabi ng Law Bldg. sa U.P. Diliman. Kung saan naroroon ang makalapnos na init ng araw roon sila nakatapat at namumulaklak. Sa araw sila humuhugot ng buhay at alindog.

Mahigit na sampung hanay ng sunflowers ang ngayo’y tila tourist attraction sa Diliman. Maraming nagpapa-picture-taking sa harap nito. Nung ‘sang linggo, background ang hilera ng sunflowers sa isang commercial shooting.

Mahigit 3 dekada ang nakaraan, may isang blockbuster English movie – “Loss of Love” – tungkol sa sunflowers.  Nakalimutan ko na kung sino ang pangunahing actor. Natatandaan ko lang na ito’y isang poignant at haunting love story maihahalintulad sa classic movies “Gone With the Wind” at “The Great Gatsby”.

Bakit may espesyal fascination ako sa sunflowers? Sa lahat ng bulaklak, ito ay kakaiba. Walang halimuyak. Tumatagal nang 3 o 4 na buwan ang singkad ng pamumulaklak. At ‘pag lumagpak ang mga buto nito sa lupa, kusang nabubuhay.

‘Pag ang sunflower ay nakaharap sa araw, nagniningning ang mga petals nito. Parang insektong salaginto. Sa isang makahulugang pananalita, buhay nati’y matulad sa sunflower. Lagi tayong maghanap ng liwanag ng araw. Tumakas sa kadiliman ng pagkasakim at pag-iimbot. Tara na sa Diliman.

SAMUT-SAMOT

 

PALABO NA nang palabo ang peace talk ng pamahalaan sa MILF at NDF. Ilang dekada na ganito lagi ang sitwasyon.  Dapat sagad na ang pasensiya ng pamahalaan lalo na sa pagmamalabis ng 2 rebel groups. Parehong non-negotiable ang kanilang hinihingi. Ang MILF dismemberment ng bansa; NDF, government takeover. Imposibleng mga kahilingan. Dapat pa bang patuloy ang peace talks? Nakakapagod.

‘DI LAMANG tayo ang may monopolya ng large-scale crimes. Mas malala sa U.S. ‘Di maaaring dumaan ang isang buwan na walang nag-aamok sa mga U.S. campuses, kumikitil ng mga inosenteng mag-aaral at bystanders. Kamakailan, isang Korean immigrant ang naghurumentado sa isang unibersidad sa Oklahoma at pumatay ng 8 mag-aaaral. Sa isang small town sa Buffalo, isang mag-anak ang minasaker nu’ng isang gabi. Kaibhan lang sa U.S., madaling madakip ang mga salarin.

NGAYON, ‘DI lamang saging export ang bina-ban ng China. Kasama na ang ating pinya at mangga. Susunod, maaaring OFWs sa Hong Kong. Economic sabotage. ‘Yan ang istratehiya ng China laban sa pag-aangkin natin ng Scarborough Shoal. Malubhang epekto ang pangyayaring ito sa ating ekonomiya. Kinikita natin sa banana export taon-taon sa China ay humigit-kumulang sa P7.8-B. Siguro mas malaki sa mangga. Ano ang ating fallback sa sitwasyong ito? Payo ni P-Noy, maghanap ng ibang markets sa produkto. Ay, payong kabayo! ‘Di agad ito magagawa. In the meantime, babagsak ang fruit industry natin sa Mindanao. At magle-lay-off ng napakaraming manggagawa.

BAKIT SA U.S. at iba pang bansa, disiplinado ang mga Pinoy? Sumusunod sa trapik, ‘di nagtatapon ng basura sa bawal na lugar, ‘di umiihi kung saan-saan, at nagbabayad ng tamang taxes. Ito’y nagpapatunay na ‘di tayo natural na pasaway. In a conducive and proper environment where law and order are dutifully enforced. Sumusunod tayo sa batas at kultura. Bakit nga kaya?

KAILANGANG-KAILANGAN MAIBALIK si Dick Gordon sa Senado. Matalino, may karanasan, walang bahid at may pagmamahal sa bayan. ‘Yung huling factor ang pinakamahalaga. Very active din siya sa Red Cross. Siya ang nagpalago ng tourism industry bago naging senador. Ang stint niya sa SBMA ay very productive. ‘Wag na tayong maghalal ng sikat na artista na walang gagawin sa Senado kundi magbutas ng silya.

SUMABOG ANG poot at galit sa isang internet footage na pinakikitang isang naka-shorts na babae naka-post na nakapako sa isang malaking krus. Talagang babuyan na ito. Ganyan ba ang pagmamahal at paggalang ng mga Kristiyano sa Kalbaryo ng Panginoon? Ang post taking ay nangyari sa Bulacan nu’ng nakaraang Semana Santa.

MAGANDANG BALITA na dinagdagan na ng pamahalaan ang medical benefits ng mga beterano. Ayon sa Pangulo, 250 hospitals nationwide ang maa-accredit ng Veterans Bank na tumanggap ng mga beteranong maysakit. Huli man at magaling, maihahabol din. Nagdaan ang Abril 29, Bataan Day subalit parang walang nangyari. Bakit tamad na tamad na tayong magdiwang ng araw ng ating mga bayani? ‘Yung Feb. 25 celebration ng EDSA People Power, ganyan din ang nangyari. Naghakot ng tao para mapuno ng tao ang EDSA Shrine sa Quezon City.

YOSI KADIRI. Lung cancer dahil sa paninigarilyo ang dahilan ng pagkamatay ng veteran TV host, Angelo Castro Jr., Frankie Evangelista at Joey Lardizabal. Kapansin-pansin na pinandidirihan na ngayon ang mga taong naninigarilyo. Sila na mismo ang lumalabas sa bahay o restoran kung gagawa ng bisyo.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleSubmarine Vs. War Ships
Next articleBabala

No posts to display