Hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga kumportable si Sunshine Cruz na pag-usapan kung mayroon na bang mga bagong manliligaw na umaaligid sa kanya pagkatapos ng hiwalayan nila ni Cesar Montano. Pero napangingiti siya bilang tugon, na siyempre’y meron naman talagang mga gustong magparamdam sa kanya ng pagporma. Kaya nga lang, wala pa siya sa tamang panahon para mag-isip ng tungkol sa pagpapaligaw.
Hindi raw dahilan na kaya siya nagpapaganda at nagpapaseksi sa ngayon ay dahil mayroon na siyang pinagpapagandahan.
“Kailangan ko ito sa trabaho ko bilang artista. Mayroon din kasi akong mga ine-endorse na beauty products, kaya hindi dapat magpabaya sa hitsura. Pero ‘yung dahil may pinaghahandaan kang tungkol sa lovelife, wala naman,” katuwiran ni Sunshine Cruz.
Kasama ngayon si Sunshine sa teleseryeng “Dolce Amore” ng ABS-CBN. Naaasiwa siyang pag-usapan din ang isyu na may mga mas bata sa kanya na gusto siyang ligawan.
“Ang inspirasyon ko sa ngayon ay ang mga anak ko at ang career ko. Diyos ko! Hiwalay ako sa asawa. Ayokong ma-link sa ibang lalaki para tawagin akong hot mama o kaya ay cougar,” natatawang pag-iwas ng mabait na aktres.
NITONG NAGTATAPOS ang 2015, isang eksperto sa showbiz ang walang pag-aalinlangan na nagsabing sa pasiklaban daw ng ABS-CBN at GMA 7 ay napakalayong poor third ang TV5. Saan mang sistema raw daanin ay talagang hirap makisabay ng pakikipagkumpitensiya ng pabonggahan ang Singko sa Dos at Siyete, kahit pa nga sa totoo lang ay napakayaman ng nagmamay-ari ng nasabing TV station na isang kilalang negosyante sa buong Pilipinas.
Pero sa pakikipagtulungan ngayon ni Mr. Vic del Rosario, parang nararamdaman na ang mga pagbabago at simula ng pagpapabongga na ipinangangalandakan ng pamunuan ng TV5. Lalong pinagaganda ngayon ang kanilang mga programa. Napakalakas ng dating ng dalawa nilang bagong teleserye, ang “Bakit Manipis Ang Ulap?” at “Ang Panday”.
Kumpara sa mga naunang teleserye ng TV5 na pinaghusayan nila ang pagkakagawa sa abot ng kanilang makakaya, may panggulat ang pagkakagawa ng dalawang nabanggit na serye na pinagbibidahan nina Claudine Barretto at Richard Gutierrez. Mga sikat naman siyempre sa paggawa ng teleserye sina Claudine at Richard, at huwag ding kalimutan ang mahusay na pamamahala ng mga batikang direktor na sina Direk Joel Lamangan at Direk Mac C. Alejandre.
Saan ka pa?
ChorBA!
by Melchor Bautista