NAKAKALOKA NA, ha?! Usung-uso na ‘tong demandahan ng mga naghihiwalay na asawa.
Inunahan muna ni Kris Aquino, sinundahan ni Ai-Ai delas Alas, tapos si Claudine Barretto, at ang latest nga si Sunshine Cruz.
Lahat sila humihingi sa korte ng Temporary o Permanent Protection na akala mo nabubugbog ng asawa, naabuso at aping-api sila, ha!
Itong kay Ai-Ai, siguro okay lang dahil wala naman silang anak ni Jed Salang, at siguro meron naman talagang sakitang nangyari base sa mga kuwento ni Ai-Ai, ha!
Pero itong kina Kris, Claudine at Sunshine, ewan ko lang ha? Kasi karamihan naman ay mas marami ang naniniwala sa lalaki.
Gaya nitong kay Kris, mas marami ang nakisimpatiyak kay James at naniniwala sa kanya.
‘Yung kay Claudine naman, base sa mga gulong sinuong niya noon, mas marami ang naniwala kay Raymart. Tahimik lang naman kasi ang aktor, at sabi nga niya ayaw naman daw niyang magsalit pa laban sa nanay ng mga anak nila.
Ito namang kay Sunshine, mas nakakaloka ang kuwento niya na may rape pa na drama. Ang abogado lang ni Cesar ang nagsalita at ipinagtanggol ang aktor dahil wala naman ganu’ng gahasaang drama.
Masyadong maselan kasi itong kasong ito dahil damay ang mga bata. Kaya ‘di ba mas mabuting manahimik na lang?
Ang sa akin lang naman, kung gusto n’yong magdemandahan, huwag nang iparating sa media kasi lalo lang iingay at ang pinakaapektado dito, ang mga bata.
Kuwento nga ng mga reporter ng Startalk na nag-cover ng mga hearing nila, awang-awa raw sila sa tatlong anak nina ni Cesar at Sunshine na kasama sa hearing sa QC-RTC kahapon dahil tumatakbo rin daw ang mga bata na hinahabol ng media na gustong mag-interview sa mag-asawa.
Dalawang hearing ang dinaluhan daw nina Sunshine at Cesar kahapon, at kasama ang tatlong anak nila dahil doon dininig ang kasong Permanent Protection Order at Habeas Corpus na isinampa ni Sunshine.
Nakatutok doon ang mga reporter na inabot ng mahigit apat na oras ang hearing dahil dalawang kaso ang dininig.
Pagkatapos ng hearing, kasama na ni Sunshine ang mga bata. Pero sabi naman ni Cesar, nasa kanya pa rin ang mga bata.
Ayaw na lang nilang magsalita dahil may gag order. Basta ang sabi ng kanilang mga abogado, nagkasundo raw silang mag-asawa alang-alang sa mga bata. Basta para raw sa ikasisiya ng mga bata, ‘yun daw ang desisyon ng korte at tanggap naman daw ng mag-asawa.
Hay, naku! May kuwento pa ‘yung kaso naman nina Raymart at Claudine.
Abangan n’yo na lang sa Startalk bukas. Detalyado ang kuwento namin diyan.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis