MARAMI ang pumupuri sa matapang na pahayag ng Kapuso star na si Sunshine Dizon o Margaret Sunshine Tan in real life sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
Sa mahabang Instagram post ay inilitanya ni Sunshine ang kanyang frustrations sa mga nangyayari. Idinagdag pa niya na wala siyang pakialam kung may mga kaibigan siyang tatalikod sa kanya pagkatapos niyang sabihin ang laman ng damdamin.
“Matagal na din ako nanahimik, sinabi ko din na kung wala magandang sasabihin manahimik na lang pero mas malaking kasalanan ang mag bulagbulagan kung alam mo ng hindi na tama,” simulang post ng Kapuso star.
Patuloy niya, “Marami akong kaibigan na hindi ko na siguro magiging kaibigan pag katapos nito pero ayos lang kasi ibig sabihin hindi talaga sila kaibigan.
“Bago nyo ako husgahan at tawaging bobo gaya ng iba dyan na ang huhusay at ang lalakas ng loob mang liit ng kapwa nilang Pilipino kahit wala naman sila ni singkong na i ambag para sa kultura at bayan, Oo hindi po ako abogado pero marunong po akong mag basa at marunong din akong umintindi.”
Inihayag din ni Sunshine na karapatan ng pamilya niya at ng bawat Pilipino na makapamuha nang mapayapa sa Pilipinas.
“Gusto ko pong mamuhay sa Pilipinas kasama ng aking mga anak, pamilya at mga kaibigan ng payapa at walang takot na may mga tao na matatas at makapangyarihan na pwedeng abusuhin ang batas na dapat ay poprotekta sa ating lahat.
“Gusto ko pong mamuhay na walang takot na ako ay pwedeng mapag susupetyahang terrorista dahil nilabas ko lang ang aking mga saloobin o akoy sumali sa isang protesta.
“Hindi tamang mawalan tayo ng boses at karapatang pumuna kapag tayo ay may mga mali nang nakikita.
“Gusto kong lumaki ang aking mga anak sa ating bayan na malayang makakapagpahayag ng kanilang saloobin, rerespetuhin ang kanilang karapatang pantao.
“Sumasang ayon ako sa batas na poprotekta sa ating lahat laban sa terrorismo pero hindi ako sang ayon sa batas na hindi malinaw na posibleng ma abuso sa mga kamay ng mga taong nakatataas at makapangyarihan na pansariling pakinabang lang ang uunahin,” litanya pa ng aktres.
May reaksyon din siya sa patuloy na dumaraming bilang ng mga COVID-19 cases sa bansa, anti-terror bill at sa pagpapasasara ng ABS-CBN.
“Araw araw tumataas ang bilang ng may mga sakit dahil sa covid. Nasaan na ang kongkretong plano para sa bayan? Wala pa rin mass testing,” sambit pa niya.
“Pero nagawang ipasara ang AbsCbn at tanggalan ng hanap buhay ang higit sa 11,000 na pamilya. Nagawa ang ANTI TERROR BILL. Paano at ano pa ang mga pwede nilang gawin ngayong ito ay nai sa batas na.
“Wag na tayong mag bulagbulagan kailangan nating ipag laban ang ating kalayan at protekatahan ang ating karapatang pantao,” huling pahayag ni Sunshine.