SA MGA nakalipas na taon, marami nang ginawang remedyo ang ating mga kinauukulan para maibsan ang matinding problema ng trapiko sa EDSA.
Nariyan ang color coding scheme. Nagpakalat din ng mga u-turn slots. Naglagay na rin ng motorcycle lanes. Isama pa riyan ang panukalang gawin nang suwelduhan ang mga driver ng bus sa halip na komisyon para mabawasan ang kanilang pagiging kaskasero.
Pero sa kabila ng mga ito, tila wala pa ring patid ang pagkabuhol-buhol ng trapiko sa EDSA. Simple lang ang nakikita kong epektibong sistemang pangremedyo. Simple nga kung tutuusin dahil ang sistemang ito ay matagal nang ginagawa sa ibang bansa pero suntok sa buwan na magagawa rito sa atin.
Ang sinasabi kong sistema ay gobyerno na ang magpapa-takbo ng mga bus na bumibiyahe sa EDSA. Ibig sabihin, bibilhin ng gobyerno ang lahat ng existing franchise ng mga bus sa EDSA.
Ang mga driver ng bus ay magiging empleyado na ng gobyerno kaya makakatanggap na sila ng maayos na suweldo at benepisyo.
Kapag nangyari ito, ang unang gagawin ng gobyerno ay bilangin ang volume ng mga commuters sa anumang oras at tatapatan ito ng tamang lamang na bilang ng bus para maisakay silang lahat.
At pagkatapos, maglalagay ng mga designated bus stop para sa bawat ruta ng bus at may schedule ang pagdating ng bawat bus.
Sa ngayon kasi, karambola ang sistema sa EDSA. Sa isang non-peak commuting hours, halimbawa na, kakarampot lamang ang mga nag-aabang na pasahero sa isang bus stop, makikita mo ang sangkaterbang bus na nakikipag-unahan para maisakay sila.
Kapag naisakay na ang mangilang-ngilang mga pasaherong ito, ang marami pang mga bus na walang naisakay, magkukumpol-kumpol sila sa bus stop na ito para mag-abang ng mga paparating pa lang na pasahero. Dito na magkakaroon ng bottleneck. Ang pagkukumpol-kumpol ng mga bus sa isang lugar ang nagsasanhi ng pagsisikip ng daan sa paligid nito na siyang nagiging dahilan naman ng pag-usog pagong sa daloy ng trapiko nang kilo-kilometro sa buntot nito.
ANG LAHAT ng mga bus na biyaheng probinsiya naman ay hahanapan ng iisang terminal – sama-sama silang lahat – sa isang lugar na wala sa EDSA. Ang mga biyaheng bus patungong probinsiya ay puwede pa ring maging privately owned.
Sa New York City halimbawa, ang Port Authority Bus Terminal na matatagpuan sa Manhattan ay paradahan ng lahat ng mga bus na papuntang iba’t ibang State. Bagama’t ito ay nasa sentro ng isang busy commercial district, dahil sa maayos na pagkadisenyo, hindi nakakasagabal ang mga bus na labas-pasok dito. Ito ay dahil na rin sa maraming lagusan ito.
Suntok sa buwan? Marahil nga. Sigurado kasing marami ang mag-aalburoto at manggugulo. Pero kung gugustuhin ng mga taong nasa gobyerno, sa maniwala kayo o sa hindi, ay talaga namang kakayanin.
Ang tiyak na isa sa mga grupo na mag-aalboroto ay ang mga sindikato ng mga kolorum na bus dahil tuluyan nang mamamatay ang kanilang raket.
Bukod sa masosolusyunan ang matinding problema ng trapik sa EDSA, kapag nangyari ang sistemang ito, may ilang mga benepisyo rin ang mapakikinabangan. Hindi na mamomroblema ang mga traffic enforcer sa pakikipag-awayan sa mga matitigas na ulong bus driver at mababawasan na rin ang kotongan. Mababawasan na rin ang aksidente dahil mawawala na ang mga kaskaserong nakikipag-agawan ng pasahero. At mababawasan na rin ang problema sa smoke belching sa mga bus.
Shooting Range
Raffy Tulfo