ISA AKO sa maraming Pilipinong nangangarap na magkaroon ng first lady sa Palasyo ng Malakanyang bago matapos ang termino ni Pangulong Noynoy. Sa anumang bansa, ang First Lady ang itinutu-ring na simbulo ng kababaihan ng bansa na pinamumunuan ng pangulong kanyang napangasawa. Ang pag-atupag sa kapakanan ng mga kabataan ang isa sa kanyang pangunahing papel na ginagampanan.
Ito ang ilan lamang sa mga dahilan kung bakit mara-ming Pilipino ang naghahangad na makapag-asawa na si Pangulong Noynoy at may ititira na siya sa Palasyo ng Malakanyang na magsisilbing ilaw ng tahanan ng ating bayan.
Sa kabilang banda, isa rin ako sa naniniwalang wala nang pag-asa pa na may pakakasalan ang ating Pangulo bago matapos ang kanyang termino.
Kamakailan, napaulat na may natitipuhan na namang dilag si P-Noy – isang beauty queen. Sa muli, maraming mga Pilipino ang kinilig sa napapabalitang ito.
Hindi pa kaya nakakahalata ang marami sa ating mga kababayan na animo’y sinasadya ni P-Noy na maging mala-telenobela ang kanyang love life para kiligin sila?
Pupusta ako na hanggang ligawan lang ang magiging kahihinatnan ng bagong sumisibol na love story na ito ng Pangulo. Ilang linggong ligawan – makikita o mapapabalita na pinapasyal at dini-dinner date ni P-Noy ang kanyang bagong apple of the eye, pagkatapos noon ay wala nang magiging kasunod pa. Iyon lang ‘yon.
Pati ang buong mundo at ibang mga planeta sa kalawakan ay ipupusta ko pa – kung puwede lang ipusta ang mga ito – na ganoon nga ang mangyayari. Gets n’yo na?
DAPAT MAGSAGAWA ng regular na lifestyle check ang mga kinauukulan para sa lahat ng jail guards sa bansa. Isa sa mga kadahilanan kung bakit natutukso ang isang jail guard na patakasin ang isang preso kapalit ng pera ay dahil may bisyo ito.
At ang isa sa pangkaraniwang bisyo ng mga jail guard ay ang pagkakaroon ng maraming asawa o live-in partner. Dahil maliit lamang ang kanyang suweldo bilang jail guard at marami siyang sinusustentuhan, matutukso siyang magpatakas ng preso kapalit ng salapi.
Kamakailan, sinibak ni Bureau of Corrections Director Jesus Bucayu sa puwesto si Security Officer 1 Alfredo Devaras Jr., officer-in-charge ng minimum security compound dahil sa pagkakatakas ng tatlong presong kanyang binabantayan.
Hindi na bago ang napabalitang natakasan ang mga jail guard ng mga preso – sila man ay maging miyembro ng BuCor, Bureau of Jail Management and Penology o jail guard ng ano pa mang provincial jail.
Makailang beses na akong nakatanggap ng reklamo sa Wanted Sa Radyo tungkol sa mga jail guard na inire-reklamo ng kanilang dating asawa o dating live-in partner dahil may bago na itong kinakasama at hindi na sapat ang ibinibigay na suporta sa kanyang mga anak.
Para matapos na ang usapan, nangangako ang inirere-klamong jail guard na hindi niya pababayaan ang kanyang mga anak sa dating asawa o live-in partner at magbibigay siya ng sapat na suporta para sa kanila, ganoon din sa mga anak ng bago niyang kinakasama.
At saan naman kukunin ng inirereklamong jail guard ang perang pangsuporta sa kanilang lahat?
Ang raket sa loob ng kulungan tungkol sa pagbayad ng mga dumadalaw, benta ng mga kama at kontrata sa mga pagkain ng preso ay napupunta sa mga opisyal ng mga jail guard. Kung may makukuha mang parte ang mga jail guard, ito’y barya-barya lang.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na napanonood sa AksyonTV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo