“A BEAUTIFUL Affair” para kay Bea Alonzo ang sa kanilang dalawa ni Zanjoe Marudo. Masaya raw sila at wala ni katiting na problemang nai-encounter. Babaeng-babae raw siya kay Zanjoe at feel na feel niya iyon dahil sa marubdob na pagmamahal nito sa kanya.
“Napakabait na tao, very supportive at sobrang mahal niya ako. Kaya naman, super love ko rin siya,” sabi ni Bea. “Minsan tahimik lang siya, pero magugulat ka kasi lagi siyang may sorpresa. I can say that I’m lucky to have him as my boyfriend. Siyempre, suwerte rin siya sa akin, ‘no!”
Masasabi ba niyang kung nagkatuluyan sila ni John Lloyd Cruz eh, magkaka-problema rin siya gaya ni Shaina Magdayao nu’ng sila pa ni Lloydie?
“Ay, I can comment on that, kasi hindi nga kami naging kami, ‘di ba? Saka kung anuman ‘yung nangyari sa kanila ni Shaina, siguro they’re not meant to be at may nakatakda talagang para sa kanilang dalawa. Lahat naman ng nangyayari ay may dahilan, ‘di ba?” sey pa ng magandang aktres.
Naisingit namin ang pagbati kay Bea dahil sa mahusay na pagganap niya sa pelikulang The Mistress na posibleng magbigay sa kanya ng kanyang first acting award. In fairness, kakaibang Bea ang ipinakita niya du’n, first daring role niya at ang level-up na pagka-aktres niya.
“Salamat naman. Ako kasi, every movie that I make, I always give my 100%. Kahit sa TV rin. Happy naman ako na napansin nila ang trabaho ko,” sey pa nito.
What about dito sa bagong teleserye niya, mai-involve din siya sa more matured sa kanila ni Lloydie na si John Estrada.
“Iba naman ang atake sa TV, daring din pero less ang pagka-daring. Daring ‘yung character pero ‘yung mga scenes, hindi masyado. Maganda ‘yung show at okey naman kami ni Kuya John. Sobrang guwapo niya rito at sexy. Siyempre, hindi naman nagpatalbog si Lloydie sa kanya. Hahaha! “ hirit pang sey ni Bea.
NOVEMBER NA at birthday month na ni Gov. Vilma Santos pero tila walang balita kung matutuloy pa ang kanyang special show kaugnay ng kanyang 50th years sa showbiz na ipinu-push ni Chit Guerrero bilang Head ng Special Events ng ABS-CBN? Ano kayang nangyari?
Hindi kaya dahil abala sila sa pagpasok ng Himala in HD (restored version) ni Superstar Nora Aunor na ipalalabas sa selected theaters sa December 5 at iri-release ng Star Cinema since nasa kanila ang rights nito? Isasabay rin dito ang pagri-release ng coffee table book ng Himala na sinulat ni Ricky Lee sa araw rin ng showing ng naturang pelikula.
Aside from the film classic na Himala na dinirek ng yumaong Ishmael Bernal 30 years ago, magiging abala rin si Ate Guy sa buwan ng Disyembre dahil 2 pelikula ang entry niya sa MMFFP 2012, ang Thy Womb at ang El Presidente nila ni Gov. ER Ejercito. Bago matapos ang taon ay masasabing taon ni Ate Guy ang 2012!
Teka lang, how true na may gagawin daw si Ate Vi next year sa Cinemalaya Film Festival at ididirek ito ni Jeffrey Jeturian? ‘Yun na!
SUSUBUKAN NAMAN ng tsinitang young actress na si Joyce Ching na gumanap bilang kontrabida. Handa na raw siya kung awayin man siya ng fans ni Barbie Forteza na siyang pahihirapan niya sa kanilang bagong fantaserye. Trabaho lang naman daw iyon at hindi siya nagdalawang-isip lalo’t challenge sa kanya na from a sweety-sweety girl ay mala-Cherie Gil naman ang drama niya ngayon.
“Actually, baka nga hindi maniwala ang mga fans ni Barbie na inaaaway-away at sinasabunutan, sinasampal-sampal ko si Barbie kasi alam nilang magkaibigan kaming dalawa. Very close nga kami at lumalabas pa kaming magkakasama nina Derrick Monasterio at Kristoffer Martin,” natatawa pang sey ni Joyce sa amin.
Pinipilit paaminin ng mga press si Joyce kung boyfriend na nito si Kristoffer, pero todo-tanggi ang tisinitang young actress.
“Bawal pa po. Hindi pa po. Bata pa po kami. Enjoy lang muna as friends saka work po muna. Hehehe,” sey pa nito.
Nga pala, sana’y hindi magselos si Kristoffer kay Norris John, ang Japanese-Filipino young actor na may napakaraming fans sa Hong Kong at Japan dahil siya ang leading lady nito sa bagong movie na Gabriel, Ito Ang Kuwento Ko. Special request kasi si Joyce ni Norris John at pumayag naman si Joyce dahil napakaganda ng story at role niya sa pelikula.
Magsisimulang gumiling ang kamera sa November 4 at sa magagandang tanawin ng Baguio City at Nueva Vizcaya ang location ng naturang movie. Ang inyong lingkod po ang direktor ng Gabriel, Ito Ang Kuwento Ko.
Tsuk!
RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer