HINDI HAYOP, hindi robot, kumakayod ng 24/7; Nagsisilbi sa kapwa nang buong buhay; Walang suweldo pero natatrabaho buong magdamag; Nagmamahal nang wagas; Hindi napapagod kailanman. Wala nang iba kundi ang ating mga Ina.
Ngayong malapit na ang araw ng mga ina, nararapat lang na bigyan sila ng pagmamahal at pag-aaruga. Dahil sa pagkakataong ito, panahon naman na tayo ang magbigay-pugay sa lahat ng sakripisyong ginawa nila sa atin, mga bagets.
Kapag sinabing ina, maraming katumbas ‘yan. Mula sa katawagan pa lang, umaapaw na ito sa dami. Maaari silang tawaging nanay, inay, ina, mommy, mamu at mama. Marami ring papel ang ginagampanan nila sa buhay ng bawat isa sa atin. Sila ay ilaw ng tahanan na siyang gumagabay sa tamang landas sa isang pamilya na nasa iisang tahanan. Siya rin ay ang ating guro kung saan sa kanya natin natutunan ang mga aralin na hindi natututunan sa paaralan. Siya rin ay ang ating matalik na kaibigan o ang taong ating pinagkakatiwalaan sa lahat ng bagay.
Saludo tayo sa mga “working mom”, ang mga taong pilit pinagkakasya ang oras para sa trabaho at kanilang pamilya. Sila rin ang mga nanay na pinagbubutihan ang trabaho para sa ikabubuti ng buhay ng kanyang mga anak. Taas-noo rin tayo sa mga “single mom”, ang mga nanay na kahit mag-isa at walang asawa na katuwang sa araw-araw ng buhay ay nagagawa pa ring maitaguyod ang pamilya. Mataas din ang ating pagtingin sa mga “OFW mom,” ang mga nanay na tinitiis ang mapalayo sa mga anak nang mahabang panahon maibigay lang ang lahat ng kanilang pangangailangan. Kakaiba ring paghanga ang ating ibinibigay para sa mga nanay na “housewife mom”, sila ang mga ina na nagtatrabaho buong araw at gabi nang walang suweldo. Lahat ng gawain sa bahay ay sisiw sa kanila. Wala rin silang day off. Pero kahit alam natin na nakapapagod ito, kailanman hindi nila magawang mapagod dahil mahal nila ang kanilang propesyon, ang kanilang pamilya.
Ngayong nalalapit na ang araw ng mga ina, bakit hindi sila ang gawing bida? Atin ding isipin na sa pagkakataong ito, hindi muna ito puro tungkol na lang sa atin. Sila naman. Sila naman ang pansinin at pahalagahan. Aminin ninyo, sa henerasyon ng kabataan ngayon, kung minsan nakalilimutan ninyo ang inyong mga super mom. Naaalala n’yo lamang sila kung may gamit na gustong ipabili, kung may gusot sa damit na gustong ipaplantsa, kung may sugat na gustong ipagamot, at kung may nawawala na gustong ipahanap. Kung minsan din, hinahalikan n’yo sila kapag Pasko o birthday nila. Tine-text lang sila kapag may pabor na kailangan o kaya naman kapag uumagahin ng uwi. Kailan n’yo nga ba binigyan ng sulat ng pasasalamat ang inyong mga nanay? Hindi n’yo maalala ano po? Baka naman mas nakatatanggap pa ng sulat ang inyong mga nanay mula sa inyong mga guro sa paaralan kapag may kapilyuhan kayong ginawa sa eskuwela.
Kaya sa linggong ito, punuin ito ng pagmamahal sa inyong mga ina. Simulan ang bawat araw ng isang halik sa pisngi, pasasalamat sa lahat ng kanilang ginawa. Sila naman ang inyong pagsilbihan. At walang sawa n’yong sabihan ang inyong ina kung gaano n’yo sila kamahal. Kay daling gawin, hindi ba? Simple nga ang mga ito, pero mapapasaya mo sila nang husto. Dahil ngayon, hindi tayo ang bida kundi ang ating mga super mom!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo