SABI NILA ay lahat daw ng “super” ay itinuturing na bayani. Kaya naman ang mga “super hero” ay bayani. Kaya lang malungkot ang kuwento ng ating sariling buhay na bayani, dahil bukod sa “super” din siya sa katawagang “super star” at nakapag-uwi na rin ng mga parangal at pagkilala mula sa ibang bansa dahil sa kanyang mga naiambag sa larangan ng sining sa pag-arte, ipinagkait pa rin sa kanya ni Pangulong Aquino ang karangalang maging isang “national artist”!
Tila marami ngayon ang naghinanakit at bumabatikos kay Pangulong Aquino dahil sa isyu ng pag-alis niya sa pangalan ni Nora Aunor sa listahan na isinumite ng kapulungan ng mga national artists at Cultural Center of the Philippines (CCP) para gawaran ng parangal na “National Artist”. Wala raw balidong batayan ang pagkakatanggal sa pangalan ng aktres bukod sa pagiging supporter umano ng aktres sa dating nakatunggali ni PNoy sa eleksyon noong 2010, na si dating Pangulong Joseph Estrada at ngayo’y kasalukuyang mayor ng Maynila.
Isang uri umano ng pamemersonal at power tripping lang ang naganap sa isyu ng hindi paggawad ng “National Artist” na titulo sa beteranang aktres. Lumalabas na naman daw ang pagiging hindi makatuwiran ng Pangulo at pamumulitika nito. Sa artikulong ito ay nais kong talakayin ang mga akusasyon sa Pangulo at gayun din ang merito, kung meron man, upang sabihing karapat-dapat talagang gawing isang national artist si Nora Aunor.
ANO BA ang proseso para humirang ang pamahalaan ng isang National Artist? May mga alituntunin at batas na gumagabay sa pamahalaan para hirangin ang isang tao upang maging ganap na National Artist. Pagkatapos humabi ng batas ng lehislaturang sangay ng pamahalaan na gagabay sa pagpili ng isang national artist ay ibinibigay na sa ehekutibong sangay ng pamahalaan ang pagsasakatuparan o implementasyon ng batas.
Paano ba dapat maimplemento ang batas na gumagabay sa pagpili ng isang national artist? Simple lamang ang implementasyon nito. Inaatasan lamang ng ehekutibo ang CCP na bumuo ng komite na kinapapalooban ng mga miyembrong may kakayahan sumuri ng sining, gaya ng mga taong nagawaran na ng parangal na “national artist”, mga practioner ng sining o mga artist, gurong dalubhasa sa sining at mga personalidad na malawak ang dunong at karanasan sa art. Sila ang pipili at magsusumite ng listahan sa pamahalaan ng mga taong nominado sa pagiging isang national artist.
Mahaba ang proseso ng pagpili at malalim ang diskurso sa konseptong national artist at sa uri ng “sining” na naiambag ng isang kandidato. Masasabi nating ang mga taong may talino at kakayahan sa sining lamang ang tunay na makapagsasabi kung nararapat nga ba ang isang nominado na gawaran ng titulong “National Artist”. Ang huling bahagi ng proseso ay ang pag-“review” ng Presidente sa listahan at mga dahilan o argumento kung bakit dapat igawad ang parangal.
ANG MGA nakikita kong merito na naging basehan ng komite ng CCP para isama si Nora Aunor sa listahan ng inirerekomenda gawaran ng parangal ay ang kanyang pagiging mahusay na aktres. Ang kahusayang ito ay pinatunayan na ng maraming award-giving bodies sa loob at labas ng bansa. Ang mga parangal na naigawad sa aktres sa labas ng bansa ay malinaw na nagbigay naman ng karangalan sa bansa at sa bawat Pilipino. Ito’y maituturing na isang “sense of pride” para sa bansa at isang “national interest” para sa mamamayang Pilipino.
Hindi na mabilang ang mga pelikulang ginampanan ng aktres kung saan ipinahiwatig at tinalakay sa kuwento ang kahalagahan ng pagiging mabuting mamamayan, pagkabansa, pagkatao at moralidad. Ang mga pelikulang ito ay sapat na para sabihing malaki ang naiambag ng aktres bilang bida sa pelikulang ito sa paghuhubog ng isang mabuti, makatarungan at makabansang kamalayan sa maraming Pilipino.
Ang sining ay buhay at may dangal, kung ito ay nagdulot ng kamalayan sa mga tao at isang bansa, bukod pa sa mga karangalang naiatang dito. Ganap ang katotohanang ito sa sining na nilikha at ibinahagi sa ating mga Pilipino ni Nora Aunor.
ANG MGA pagbatikos sa pamahalaang Aquino sa isyung ito ay may merito. Ang mga sumisimpatya kay Nora Aunor ay nagsasabi lamang ng katotohanan. Bakit ipinagkait kay Nora Aunor ang karangalan, samantalang siya ay nararapat na gawaran nito base sa mga merito at argumentong itinakda ng batas at pinagtibay ng komiteng pumili sa aktres?
Nakalulungkot na ang administrasyong Aquino ay nagdudunung-dunungan sa kung ano ang tunay na merito sa paghirang sa aktres bilang isang national artist. Nagpapanggap din ang administrasyong ito na patas at matuwid sa implementasyon ng batas samantalang iliniligaw nito ang mga mamamayan sa kung ano ang tunay na “national interest” para sa mga Pilipino.
Mga taong ginawaran mismo ng titulong “national hero” ang pumili sa aktres. Mga dalubhasa sa sining at arte ang sumuri sa mga naging kontribusyon ng aktres sa sining ng pelikula at nagpasyang siya ay karapat-dapat sa parangal. Ano ang kakayahang intelektuwal ng pangulo para sabihing hindi sapat ang merito at argumentong sumusuporta sa paghirang sa aktres upang gawaran ng karangalan at sabihing mas mabigat ang dahilang nasasaloob niya, at ito ay mayroong bigat sa tinatawag niyang “national interest?”
Mr. President, maliwanag pa po sa sikat ng araw ang pagiging hindi makatuwiran ng desisyon ninyong hindi gawaran ng parangal na “national artist” si Nora Aunor. Sana po ay tigilan na natin ang pamumulitika at pagkakampu-kampo o parti-partido.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo 5 at sa Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napanonood din ang inyong lingkod sa TV5 sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30 pm. At tuwing Sabado sa Aksyon Weekend new, 4:45 pm.
Para sa inyong mga sumbong, maaaring mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo