Super Tele-Novela

COMING SOON! Ang Koronang Tinik ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Isang super tele-novela na walang sawang tututok ang buong bayan simula Enero 16, 2012. Ang tanghalan ay Senado.

Parang Kahapon Lamang. Nu’ng 2000, nasa ringside ako nang panonood ng impeachment case kay Pangulong Erap.  Tumagal nang mahigit tatlong buwan. At naudlot nu’ng Enero 2001 dahil sa pag-walk-out ng mga prosecutors. Sumunod ang People Power sa EDSA. At unconstitutionally napatalsik si Erap.

Sino ang nagmaniobra? Nakatala sa ating kasaysayan na ang puno’t dulo ng kaguluhan ay ang dating Pangulong Gloria Arroyo. Day one pa lang ng administrasyon ni Erap, pinagplanuhan na nila ang ouster move kakuntsaba ang ilang dissatisfied sectors sa military at civil society. Inamin ito mismo ni GMA ilang araw pagkatapos mapatalsik si Erap.

Maitim na kasabwat din ng puwersang ito ay ang Supreme Court sa pangunguna ni Chief Justice Hilario Davide, Jr. Matapos niyang ipahayag na ‘di nagbitiw si Erap, agad-agad niyang isinumpa bilang bagong pangulo si GMA sa EDSA.  Mabilis ang takeover. At si Erap ay hinambalos ng kung anu-anong kaso. At ikinulong ng mahigit na anim na taon.

Nakapagtataka kung bakit ang impeachment ay ‘di tinapos sa Senado. Ito ang malaking injustice na sinapit ni Erap.  Ngunit dahil sa ang kasamaan ay ‘di nagtatagumpay, ang gulong ng palad ay ‘di nagpabaya. Ngayon, si Gloria ang nahaharap sa maraming plunder cases at maaaring mapiit nang habang buhay.

Pananaw ng marami, mag-resign na lang si Corona. Sang-ayon ako sa akusasyon ni P-Noy na siya ay hadlang sa clean government na krusada. Halatang-halata rin ang kanyang biases pabor kay GMA. Isang ehemplo rito ang mabilis ng pagpapalabas ng TRO para hindi mapigilang maglakbay si GMA.

Subalit palaban si Corona. Matira ang matibay. Palabasin ang katotohanan. Parusahan ang nagkasala. Watch next year’s super tele-novela.

SAMUT-SAMOT

 

HANGGANG NGAYON,  ‘di ko makalimutan ang kasiyahan ko sa pamimili sa Divisoria nu’ng isang araw. Talagang naka-bargain ako ng mga pang-regalong damit. Inabot ng halos P1,000 lahat. Halos doble ang halaga nito ‘pag binili mo sa malls.

Maging matiyaga ka lang sa pamimili. Maglaan ka ng mahabang oras sa pag-ikot sa halos tatlong ektaryang lugar na pinakamalawak, pinakatanyag at pinakamatandang flea market sa bansa. Mula sa mugs, tela, decors, toys hanggang sa mga electonic items at pagkain, malulula ka sa sangkaterbang items na mapagpipilian. Maging alerto ka lang at baka madukutan.

Tayo na sa Divisoria!

NARANASAN KO ang pagsakay sa air-conditioned train ng PNR mula Bicutan hanggang San Andres, Manila. Inabot lang ako ng halos 20 minutos. Sampung piso ang pamasahe. Malaking bagay ito sa mga estudyante at ordinary laborers.  Laking tipid sa oras at pasahe kung ikukumpara sa pagsakay ng bus na marami pang dinaraanan at traffic.

SI NATIONAL Food Authority (NFA) Administrator Lito Banayo ay kahanga-hangang uri ng isang public servant. Trabaho lang. Sa mga gabinete ngayon, si Banayo ang pinakamaraming karanasan. Naging adviser siya ng nasirang Benigno Aquino Sr., Postmaster General sa panahon ni Cory at political adviser ng ‘di mabilang na senador. Napakatalino. Wala siyang hilig sa unnecessary publicity. Ang focus niya ay resulta ng tungkulin. Halos nalinis na niya ang mga anomalya at gusot sa NFA. Mapapansin na rice sufficient na ang bansa. Dahil ito kay Banayo. Mabuhay ka Pareng Lito. May your tribe increase!

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleSuriin si Gen. Decano; at ang Baluktot na Daan
Next articleSexy young actress, madalas sa bahay ng ex-bf na hunk actor kahit may bago nang BF!

No posts to display