Suporta mula kay papa’s boy

DEAR CHIEF ACOSTA:

ANIM NA TAON po kaming nagsama ng ama ng a-king anak bago kami nagka-anak. Mula nang magsama kami ay hindi niya nagawang magtrabaho dahil Papa’s boy po siya. Umaasa lang po siya sa padala ng ama niya mula sa abroad. Ang masama pa po, inuubos lang niya ang lahat sa bisyo at barkada niya. Ako po ang nagtatrabaho para may makain kami. Lahat ng ipon ko at mga naipundar na gamit ay ibinebenta niya kapag wala na siyang pambisyo. Kaya noong tatlong taon na po ang baby namin at wala pa ring pagbabago sa kanya, nagdesisyon na po ako na makipaghiwalay sa kanya.

Sa ngayon po, dalawang taon na siyang nagtatrabaho abroad. May girlfriend na siya roon at siya pa po ang gumagastos sa pangangailangan ng anak ng girlfriend niya. Napakasakit po ng ginawa niya, pababayaan ko na po sana na huwag siyang magbigay dahil nakaya ko namang buhayin ng apat na taon na nag-iisa ang bata. Kaya lang, parang napaka-unfair naman po ng ginagawa nila. Paano ko po siya ma-oobliga na magsustento sa bata lalo na po at mag-aaral na siya ngayong taon na ito? Ano po ba ang dapat kong gawin? Isa pa pong tanong, hindi naman po kami kasal pero nang malaman po niya na may boyfriend na ako at nagpaplano na kaming magpakasal tinatakot po ako ng pamilya niya na kapag nagpakasal daw ako ay mapupunta sa kanila ang custody ng bata. Posible po ba iyon, samantalang wala nga po silang pakialam sa bata? Sana po matulungan ninyo ako. Salamat po. God bless.

Francia

Dear  Francia,

OBLIGASYON NG ISANG ama ang magbigay ng suporta sa kanyang anak. Ito ay malinaw na ipinag-uutos ng batas. Napapaloob sa nasabing suporta ang pagbibigay sa mga pangunahing pangangailangan ng isang tao para mabuhay, tulad ng pagkain, tirahan, damit, gamot, edukasyon, transpor-tasyon at iba pang pangunahing pa-ngangailangang hindi maaring mawala para mabuhay. (Articles 194 & 195, Family Code)

Ang pagbibigay ng suporta ay maaaring hingiin sa oras na ito ay kailanganin na ng taong may karapatang humingi ng suporta. Subalit ito ay maaring hindi ibigay sa huli hangga’t wala siyang pasabi na kailangan na niya ng suporta. (Article 203, FamilyCode)

Base rito, kailangan mong iparating sa iyong asawa na kailangan ng inyong anak ng suporta sa pamamagitan ng pagliham sa dati mong kinakasama o ang personal na paghingi nito sa kanya. Kung ang nasabing liham o personal na abiso sa paghingi ng suporta ay hindi pinansin o binalewala lamang niya, maaari kang magsampa ng “Petition for Support” laban sa kanya. Maaari rin siyang sampahan ng kasong kriminal sa paglabag sa R.A. 7610 o ang batas na naglalayong protektahan at isulong ang karapatan ng mga kabataan laban sa pang-aabuso, eksploytasyon at diskriminasyon. Ayon sa batas na ito, ang hindi pagbibigay ng suporta o sustento ng isang tao na may obligasyong magbigay nito ay isang anyo ng pang-aabuso sa isang bata o menor-de-edad at kapag ito ay napatunayan, makukulong ang taong hindi nagbigay ng suporta. (Section 3 (3), RA 7610)

Maaari ring maging paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004) ang hindi pagbigay ng isang lalaki ng suporta sa kanyang mga anak at asawa o kinakasamang babae. Ito ay pang-aabuso sa mga kababaihan at kanilang mga anak, kung saan mahigpit itong ipinagbabawal ng nasabing batas. Ang mapapatunayang lumabag dito ay may kaparusahan na pagkabilanggo.

Patungkol naman sa iyong ikalawang katanungan, hindi magiging balakid ang naging relasyon ninyo ng dati mong kinakasama sa pagpapakasal mo sa iyong kasintahan. Ikaw ay malayang makapag-aasawa sapagkat hindi naman kayo kasal. Ang iyong pangambang maaaring mapunta ang iyong anak sa pangangalaga ng kanyang ama ay hindi mangyayari sa oras na ikaw ay magpakasal na sa ibang lalaki. Ito ay sa kadahilanang tanging ikaw lamang ang may taglay na “Parental Authority” sa iyong anak. Nangangahulugan na ikaw lamang ang maaaring kumupkop sa kanya. (Article 176 of the Family Code)

Atorni First
By Atorni Acosta

Previous articleSarah Geronimo is working hard for her family, yet hasn’t find the joy of her heart
Next articleMo Twister and Rhian Ramos have sex scandal?!

No posts to display