Suporta sa Anak Mula sa Ama, Pero Hindi Kasal

Dear Atty. Acosta,

MAY LIMANG taong gulang na anak ako sa aking dating boyfriend. Lumalaki na po ang kanyang gastusin kaya naman nais kong humingi ng suporta mula sa kanyang ama, ngunit nagdadalawang-isip po ako dahil hindi naman kami kasal. Sana po ay mabigyan ninyo ng linaw ang aking suliranin.           

Juliet

 

Dear Juliet,

ANG BAWAT magulang ay may obligasyong magbigay ng suportang pinansiyal sa kanilang mga anak, maging lehitimo man ito o hindi (Art. 195, Family Code of the Philippines). Ang iyong anak ay maituturing na isang illegitimate child dahil siya ay ipinanganak nang hindi nasasailalim sa isang legal at may-bisang kasal ang kanyang mga magulang. Dahil dito, hindi magiging awtomatiko ang kanyang karapatan na makatanggap ng suporta mula sa kanyang ama. Bago siya makatanggap nito, kinakailangan muna siyang kilalanin ng kanyang ama bilang kanyang illegitimate child.

Maaaring mapatunayan ang estado ng isang illegitimate child sa parehong paraan kung paano pinapatunayan ng isang legitimate child ang kanyang estado. Ito ay makikita sa Article 172 ng Family Code of the Philippines. Ayon dito, ang isang illegitimate child ay kailangang kilalanin ng kanyang ama bilang kanyang anak sa pamamagitan ng tala sa birth certificate ng bata o sa isang pinal na desisyon ng hukuman. Maaari ring kilalanin ang isang illegitimate child sa isang pampublikong dokumento o sa isang pribadong dokumento na nasa sulat kamay ng kanyang ama. Ito ay ang mga pangunahing patunay ng pagkilala ng isang ama sa kanyang illegitimate child. Kung hindi kinilala ng ama ang kanyang illegitimate child sa pamamagitan ng mga unang nabanggit, mayroong pangalawang uri ng patunay o ebidensya upang mapatunayan ang pagiging isang illegitimate child ng isang tao. Ito ay sa pamamagitan ng kanyang bukas at patuloy na pagtamo ng estado ng isang illegitimate child sa loob ng mahabang panahon at iba pang mga paraan na pinapayagan ng ating Rules of Court.

Kung ang iyong anak ay kinilala ng kanyang ama sa pamamagitan ng alinman sa mga nabanggit, maaari siyang makatanggap ng suporta mula sa kanyang ama. Ang halaga ng suportang kanyang matatanggap ay iaayon sa kakayahang kumita ng kanyang ama at sa kanyang mga pangangailangan (Art. 201, Family Code of the Philippines). Bukod dito, maaari rin niyang magamit ang apelyido ng kanyang ama alinsunod sa Republic Act No. 9255.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 6 Issue 117 September 18 – 19, 2013
Next articleMitoy ng The Voice, bina-back-up-an ng pinagtatrabahuhang hotel?!

No posts to display