Dear Atty. Acosta,
MAY DALAWA po akong anak mula sa lalaking pamilyado na. Malalaki na at pawang mga propesyonal na ang mga anak niya sa unang pamilya. Namatay po ang tatay ng aking mga anak. Hindi kami naghahangad ng mana mula sa ama ng aking mga anak, ngunit nais ko sanang bigyan lang ang mga ito ng suporta hanggang makapagtapos sila sapagkat wala akong trabaho. Ano po ba ang gagawin namin?
Ms. Angelita
Dear Ms. Angelita
AYON SA Artikulo 105 ng Family Code, ang mga sumusunod ay may obligasyon na magbigay ng suporta sa bawat isa: (1) asawa; (2) lehitimong lolo at lola at lehitimong mga apo; (3) mga magulang sa kanilang lehitimong anak at mga anak ng huling nabanggit, lehitimo o hindi lehitimo; (4) mga magulang at kanilang hindi lehitimong anak at mga anak ng huling nabanggit, lehitimo o hindi lehitimo; (5) lehitimong mga kapatid, kahit pa sila ay half-brother/sister.
Malinaw na nakasaad sa nabanggit na probisyon ng Family Code ang obligasyon ng magulang na bigyan ng suporta ang kanyang anak, lehitimo o hindi lehitimo. Ang obligasyon ng pagbibigay ng suporta ng magulang sa kanyang anak ay natatapos sa kamatayan ng nasabing magulang. Sa sitwasyon ng iyong mga anak, natapos na ang obligasyon ng kanilang ama na magbigay ng suporta sa iyong mga anak noong siya ay namayapa na. Sa kadahilanang ang pagbibigay ng suporta ay isang personal na pananagutan, hindi ito maaaring ipasa sa lehitimong pamilya ng ama ng iyong mga anak. Bukod pa rito, walang legal na basehan ang pagbibigay ng nasabing suporta ng lehitimong pamilya sa hindi lehitimong pamilya. Sa kabila nito, maaari mo pa rin kausapin ang lehitimong pamilya ng ama ng iyong mga anak tungkol sa hiling mo para sa suporta, ngunit kung tatanggi sila ay wala kayong magagawa dahil wala silang obligasyon upang gawin ito.
Naiintidihan namin na hindi mo nais na maghabol sa mga naiwang ari-arian ng ama ng iyong mga anak, ngunit wala ka ng ibang paraan upang masustentuhan ang mga pangangailangan nilang pinansiyal dahil, ayon nga sa iyo, wala kang trabaho sa ngayon. Nais naming ipaalala sa iyo na ang iyong mga anak, kahit hindi lehitimo, ay may karapatan na magmana mula sa kanilang ama (Artikulo 176, Family Code). Ang bahagi na mapupunta sa kanila ay katumbas lamang ng kalahati sa makukuha ng isang lehitimong anak (Artikulo 895, Civil Code). Maaari mong kausapin ang lehitimong pamilya ng ama ng iyong mga anak upang hingin ang mana ng huli.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta