MARAMING NAGULAT SA biglaang suspensiyon ng MTRCB sa Showtime. Dahil ito sa naging statement ni Rosanna Roces nang mag-hurado ito sa naturang talent show. Nakapagbigay ang kontrobersiyal na aktres ng pahayag patungkol sa mga teachers. Marami ang nag-react at nagpadala ng mga negative reactions sa naturang show. Buti na lang at sinalo siya ni Vice Ganda na bumawi at nagbigay naman ng magandang pahayag tungkol sa mga teachers.
Ganunpaman, nag-self regulate na ang naturang programa at nag-announce na hindi na pauupuin bilang hurado si Rosanna Roces, at nakita nga iyon sa sumunod na airing date ng show. Pero kahit pa nagkaroon ng pagpapatanggal kay Osang, pinatawan pa rin ng 20-day preventive suspension ang Showtime. Nagulat ang pamunuan ng programa pati na ang buong ABS-CBN dahil biglaan ang pagpataw ng parusa. Ang nakarating sa aming balita, may meeting na magaganap pa sana sa pagitan ng MTRCB at ng program executives sa darating na January 14. Pero hindi pa man dumarating ang naturang araw, sinuspinde na ang show.
‘Eto ang naging statement ng ABSCBN tungkol sa “suspension” na ito ng MTRCB sa Showtime: “Sa ngalan ng self-regulation, minabuti ng ABS-CBN na tanggalin si Rosanna Roces bilang hurado sa programang Showtime matapos nitong magbitaw ng pahayag laban sa mga guro sa live episode ng programa noong January 7.” Sa kabila nito, nagpataw pa rin ng 20-day suspension ang MTRCB.
Ang preventive suspension ay isang aksiyon para pigilan ang iba pang maaaring maging paglabag, kung mayroon mang naging paglabag, para na rin sa interes at kapakanan ng publiko. Kaya naman kinukuwestyon ng ABS-CBN ang ipinataw na preventive suspension sa programa gayong tinanggal na si Rosanna.
Ang Showtime ay isang programa na nagbibigay-aliw sa maraming manonood. Nagpapamalas ito ng pagkamalikhain at talento ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nagpapasaya ito sa maraming tao at nagbibigay ng pagkakataong mabago ang buhay ng mga Kapamilya.
Binaha tuloy ng napakaraming reaksiyon ang Facebook at Twitter ng mga galit na messages mula sa mga users nito tungkol sa pagkakatanggal sa Showtime. Nagkaroon pa ng online petition na ihinto ang suspensiyon sa naturang programa. Dumarami na ang suporta ng naturang online petition. In fairness din sa naturang staff and crew behind the show, ang bilis nilang nakapag-isip ng kapalit ng Showtime – ang Magpasikat. Pero sana makahanap sila ng mga interesting celebrities na magpapasikat for the next 20 days!
Congratulations Showtime, at gaya nga ng sabi nila – ‘pag pinipigil, mas lalong nanggigigil.