PRESENT KAMI sa 44th birthday party ni Mayor Herbert Bautista na ginanap sa Isla Ballroom, Shangri-La Hotel last Saturday. Dinaluhan ito ng mga sikat na showbiz personalities at malalapit na kaibigan ni Bistek sa pulitika bilang suporta kay Mayor. Namataan namin sina Ogie Alcasid, Erik Santos, Mother Lily Monteverde, Roderick Paulate, Bayani Agbayani, Randy Santiago, Gary Lising, mag-asawang Tirso Cruz III at Lyn, Annabelle Rama, Eddie Gutierrez, Empress Schuck, Eula Valdes, William Martinez, Yayo Aguila, Dingdong Avanzado, Jessa Zaragoza, magkakapatid na sina Sen. Bong Revilla, Rowena Bautista at Andrea Bautista.
Maagang dumating ang dating Presidente Joseph Estrada na special guest ni Mayor Herbert nang gabing ‘yun. May tsikang magiging kaalyado na raw ng political group ni Erap si Bistek sa darating na 2016 election. Matunog din ang balitang kaalyansa rin ni VP Binay ang dating Pangulo. Sinasabing latest recruit ng Erap group ang mayor ng Quezon City.
Siyempre, nandu’n din sa nasabing okasyon ang mga kapatid at ama ni Bistek na sina Hero Bautista at mag-asawang Harlene at Romnick Sarmenta na naging punong abala sa pag-i-entertain ng mga guests.
Nakuha namin ang reaction ni Randy Santiago tungkol sa controversy na kinasasangkutan ng kapatid niyang si Raymart at ang asawa nitong si Claudine at Mon Tulfo. All support naman daw si Randy sa laban ng mag-asawa. Ang tanging dasal niya ay matapos na ito dahil marami ang nadadamay. Inamin nito na apektado silang magkakapatid sa pangyayari.
Nabalitang 20 days suspension ang magkakapatid na Tulfo Brothers na sina Ben, Raffy at Erwin ng MTRCB. Nagbitiw raw ang mga ito ng hindi magandang salita laban sa mag-asawang Raymart at Claudine. Masakit para kay Randy na humantong sa demandahan dahil kaibigan niya si Erwin at nagkakausap sila noong time na nasa ABS pa ito.
Late nang dumating si Phillip Salvador na balitang tumakbo sa darating na eleksiyon sa Pandi, Bulacan sa tulong ni Mayor Enrico Roque. Nagsisimula ng mag-ikot ang actor sa iba’t ibang bahagi ng Bulacan kasama ang butihing Mayor. Now it’s final, hindi sa Pasay City kung hindi sa Bulacan kakandidato ang magaling na actor. May nakapag-tsikang Vice-Governor daw ang posisyon inaalok kay Kuya Ipe.
Maugong din ang bulong-bulungan ng gabing ‘yun na tatakbong Presidente si Bong Revilla pero ngiti lang ang naging tugon niya nang tanungin siya. Walang confirmation galling sa actor/politican kung Vice- President or President ang posiyon sa darating na eleksiyon. Siniguro naman niya magkakaroon ng announcement sa media kung anuman ang maging disisyon.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield