Dear Atty. Acosta,
ISA PO AKONG OFW, nabuntis po ako ng nobyo ko sa abroad pero hindi po ako pinanagutan. Simula ng umuwi ako rito sa Pilipinas wala na kaming communication, minsan lang nagpadala ng sustento noong buntis pa ako. Magdadalawang taong gulang na ‘yong anak namin pero hindi siya nagpaparamdam. Nalaman ko na lang na nagpakasal na siya sa dati nIyang nobya. Alam ko po ‘yong address niya rito sa Pilipinas. Gusto ko sana na buwan-buwan ay sustentuhan niya ang anak namin pero hindi ko alam ang gagawin. Natatakot po akong magpunta sa kanila dahil ayokong mapahiya. Paano ang gagawin ko para mapilitan siyang sustentuhan ang bata dahil nakaasa lang ako sa magulang ko ngayon? Salamat po at sana ay matulungan ninyo ako. More power and God bless. –Arlene
Dear Arlene,
MAAARI KAYONG MAGSAMPA ng petisyon sa korte upang humingi ng suportang pinansiyal mula sa sinasabi ninyong tunay na ama ng inyong anak. Upang makakuha ng pinansiyal na suporta ang inyong anak mula sa kanyang ama, kinakailangan munang mapatunayan na siya nga ang “biological” na ama ng inyong anak dahil hindi lehitimo ang inyong anak. Nakasaad sa batas na maaaring patunayan ang relasyon ng anak sa ama sa pamamagitan ng pagpresenta ng “Birth Certificate” ng bata kung saan nakapirma ang ama o isang pinal na desisyon mula sa korte na nagsasaad na mag-ama nga ang mga ito o isang pirmadong pampublikong dokumento o isang pribadong liham na pirmado at sinulat sa kamay ng ama kung saan inaamin ng huli na siya nga ang ama ng bata. Subalit kung walang ganitong mga dokumento, nagbibigay din ang batas ng alternatibong pamamaraan upang patunayan ang ugnayan ng mag-ama sa pamamagitan ng hayag at patuloy na pagkakaroon ng estado bilang isang ‘di lehitimong anak (open and continuous possession of the status of an illegitimate child) o iba pang pamamaraan na pinahihintulutan ng batas. (Article 175 kaugnay ng Article 172, Family Code). Maaari ka ring magprisinta ng mga litrato o video na makapagpapatunay na siya ang ama ng bata, o kaya naman ay biological appearance ng bata kung kamukhang-kamukha ng ama, o kaya naman ay resulta ng DNA analysis.
Ayon sa Korte Suprema, bilang paliwanag sa ibig sabihin ng “open and continuous possession of the status of an illegitimate child”, ito ay ang permanenteng intensyon ng sinasabing ama na kilalanin ang bata bilang sariling anak sa pamamagitan ng patuloy at malinaw na manipestasyon ng kanyang pagmamahal at pag-aalala bilang isang ama. (Mendoza versus Court of Appeals, G.R. No. 86302, September 24, 1991, 201 SCRA 675)
Kung wala kayong maihaharap na ganitong ebidensya sa hukuman, hindi magagawaran ng pinansiyal na suporta ang inyong anak. Gayunpaman, kung hindi naman kinukuwestiyon o itinatanggi ng sinasabi ninyong ama ng inyong anak ang kanyang relasyon bilang ama nito, at ito ay inaamin niya kahit hanggang dumating sa hukuman, walang dahilan ang hukuman upang hindi gawaran ang inyong anak ng suportang pinansiyal mula sa kanyang tunay na ama. Nakasaad sa batas na may obligasyong suportahan ng ama ang kanyang ‘di lehitimong anak. [Art. 195(4), Family Code]
Atorni First
By Atty. Persida Acosta