INAASAHAN ANG MAS malaking bilang ng mga tagasuporta ni Willie Revillame na magra-rally sa harapan ng ABS-CBN ngayong umaga. Dalawang beses nang nagpapakita ng kanilang pagkasabik kay Willie ang ating mga kababayan, dala-dala ang mga streamers at placards na sila-sila lang ang gumawa ay nagpuntahan sila sa mismong Sgt. Esguerra gate ng Dos, ang pagbabalik ni Willie sa Wowowee ang kanilang sigaw.
Isang linggo nang hindi nagre-report si Willie sa noontime show, ang kanyang mga co-hosts lang na sina Pokwang, Mariel Rodriguez, Valerie Concepcion at RR Enriquez ang nagtatawid ng show.
Pinahahalagahan ng marami ang kanilang effort, lalo na si Pokwang na kulang na lang na tumulay pa sa alambre at kumain ng buhay na manok sa harap ng mga camera para lang mapanatiling buhay na buhay ang manonood, pero talagang ibang-iba ang programa kapag si Willie Revillame ang tumitimon sa palabas.
Iba ang kapaligiran kapag nasa studio si Willie, nandu’n ang kumpiyansa, si Willie lang ang nag-iisang “cook” ng programa na may abilidad na pagsamahin sa isang putahe lang ang lungkot at saya.
Makikigiling-giling ka sa kanila sa pagbubukas ng Wowowee, hahalakhak ka sa kanilang Hephep, Hurray, pero pagdating na sa Willie Of Fortune ay makikiluha ka naman sa mga kalahok ng Wowowee na may kani-kanyang pahid ng kalungkutan ang buhay.
Kahit ang mga kaibigan naming piskal at abogado ay hindi nahihiyang magsabing, “I don’t just cry a river everytime I watch that segment of Wowowee, I really cry an ocean.”
Isang batang lalaking pigtas na ang dahon ng pudpod na pudpod na tsinelas, isang ginang na nagbaka-sakali lang na pumila para mapili sa pa-contest ng show, sa kanyang pag-uwi ay tutuloy na siya sa tindahan para bumili ng bigas at sardinas para sa mga iniwan niyang anak sa bahay na hindi pa kumakain nu’ng umalis siya.
Parang mababaw lang sa pandinig ang sinasabi ng babae, “Mareng ganito at ganyan, maraming salamat sa pamasahe, pag-uwi ko, babayaran ko agad kayo!” Pero may dunggol ‘yun sa puso, mapapaluha ka na lang sa panonood.
‘Yung mga ganu’ng atake ang hinahanap ngayon ng ating mga kababayan sa noontime show, ‘yung kanaturalan, ‘yung para kang nanonood ng tunay na tele-serye ng buhay habang nakatunghay ka sa Wowowee.
At para sa ating mga kababayan ay si Willie lang ang nakagagawa ng ganu’n, sabik na sabik na silang makita uli ang aktor-TV host na nakapagitna sa entablado ng Wowowee, kung hanggang kailan magtatagal ang kanilang paghihintay ay walang nakakaalam.
NASA KRITIKAL NA kundisyon ngayon ang pagdedesisyon ni Willie kung may plano pa ba siyang bumalik sa programa o wala na. Ilang gabi na ang nakaraan ay may nakakita sa kanya sa isang malaking restaurant sa MOA na may mga kausap na abogado.
Bulong pa ng aming impormante ay dumating sa naturang meeting si Vice-President Noli de Castro, nakihalubilo ang pulitiko sa grupo, nainsekyur daw kaya si Kabayang Noli dahil dinalaw ni Senador Manny Villar si Willie sa Tagaytay?
Puwede. Pero mas naniniwala kami na kasamang dumating du’n ni VP Noli ang misis nitong si Tita Arlene na manager ni Willie, hindi lang siguro kilala ng aming impormante ang misis ng pulitiko, kaya hindi ‘yun napasama sa kanyang kuwento.
At kung mga abogado ang kamiting ni Willie ay ano pa nga ba ang papasok sa ating kukote kundi ang kanyang kontrata sa ABS-CBN? Siguro nga ay inuupuan nila at hinimay-himay ang kabuuang nakasaad sa kontrata ni Willie sa ABS-CBN.
Kung ano ang kinahinatnan ng pag-uusap na ‘yun ay siguradong “mangangamoy” rin naman ang kaganapan, napakaliit ng mundo ng showbiz para hindi magkaroon ng alimuom ang ginagawang aksiyon ngayon ni Willie at ng kanyang mga abogado at ng network na rin.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin