Suriin si Gen. Decano; at ang Baluktot na Daan

KALIWA’T KANANG banat ang inaabot ni NPD Director C/Supt. Antonio Decano mula sa ilang kolumnista ngunit mistulang bingi ito.

“Wa pakels, ‘ika nga”!

Ang isyung ibinabato sa nasabing heneral ay ang tungkol sa pangu-ngulekta ng isang pulis sa mga iligalista sa nasasakupan ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Ayon sa ulat, isang P03 Jojo Cruz ang parang Bombay na umiikot sa mga iligalista para kumolekta ng lingguhang tarya.

Ang collection, ayon pa sa nasabing mga ulat ay inilalagak ni Cruz sa isang Major Lleva na siya umanong “bagman” ni Gen. Decano.

Hindi ito isang ordinaryong isyu na ibinabato sa isang mataas na opisyal ng pulisya. Ngunit ang ipinagtataka natin ay kung bakit “todo-pasa” lamang ang heneral na ito. Maging sina Major Lleva at P03 Cruz.

Dahil sa pananahimik na ito nina Decano et al, unti-unti na tayong nakukumbinsi, parekoy, na mukhang alam na alam ni kasamang Bening Batuigas kung ano ang kanyang isinusulat!

Kaya naman ang panawagan natin kina NCRPO Dir. Gen. Alan Purisima, PNP Chief Dir. General Nicanor Bartolome at DILG Sec. Jesse Robredo ay magsagawa na ng agarang imbestigasyon sa nasabing isyu.

Upang kung walang katotohanan na sina Cruz at Lleva ay collector at bagman ni Gen. Decano ay agad silang ideklarang malinis.

Ngunit kapag napatunayang may lingguhang tarya nga sina Decano et al sa mga iligalista ay nararapat lamang magpakitang-gilas ang pamunuan ng Philippine National Police.

Sa pamamagitan ng pagsibak kina Decano et al mula sa kanilang kasalukuyang mga puwesto, i-restrict sa kampo at sampahan ng kaso!

Upang huwag silang pamarisan!

‘Yan parekoy ay kung nag-aalala sina PNP Chief Bartolome na baka ang buong kamatis ay mahahawa sa isa, dalawa-tatlong bulok!

Sabagay, ang nahahawa lang naman ng mga bulok ay ang malilinis na kamatis!

Pero kung dati nang bulok ang kabuuan, ano pa nga ba ang magiging epekto ng tatlong bulok?

KAPAG MATAPOS na ang pangkalahatang bilang sa mga naging biktima sa Mindanao ng bagyong Sendong ay naniniwala tayo na aabot ito ng isang libong bangkay.

Ganyan kalala, parekoy, ang naging bunga sanhi ng kapalpakan ng PAGASA sa pagbibigay ng tamang direksyon ni Sendong at sa dami ng ulan na dala nito.

Ang malungkot, kalmado lang, parekoy, ang Palasyo sa pagsasabing magtulungan na lang daw sa halip na magsisihan sa kung sino ang salarin sa nasabing sakuna.

Pero noong nakaraang taon, sa 38 kataong namatay sa bagyong Basyang ay parang sasabog ang mga litid sa leeg ni P-Noy habang nililitanya nito ang kapalpakan ng PAGASA.

Kaugnay nito, agaran niyang sinibak si dating PAGASA director Nilo Prisco.

Ang dahilan ni P-Noy, ayaw na niyang maulit ang kapalpakan ng PAGASA.

At sa pagluklok niya kay Usec. Graciano Yumul, ipinangalandakan ni P-Noy na target nila ang “zero casualty” tuwing may bagyo.

Pero ilang buwan pa lamang mula nang mailuklok sa PAGASA si Usec. Yumul, nagkamali na agad ito ng pagtasa sa bagyong “Juaning” kung saan maging ang ina ni Albay Gov. Joey Salceda ay namatay.

Umangal noon, parekoy, sina Gov. Salceda, Catanduanes Gov. Jopseph Cua at Camarines Sur Gov. Luis Villafuerte.

Pero hindi nasibak si Usec. Yumul.

Ngayon naman, dito kay “Sendong” ay halos isang libo ang buhay na nakitil sa kapalpakan ng PAGASA.

Pero halos tiyak na natin na hindi masisibak ang nabanggit na PAGASA director.

Kasi may pagkakaiba sila.

Si Prisco ay appointee ni GMA, samantalang si Yumul ay appointee ni P-Noy.

‘Yan, parekoy, ang matuwid na daan!

P’we!

Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleEugene Domingo, bagong reyna ng Film Fest?
Next articleSuper Tele-Novela

No posts to display