Survey

NOONG KASAGSAGAN ng kampanya ng 2010 presidential elections, nagsagawa ng text survey ang WANTED SA RADYO sa mga listeners nito kung alin sa mga presidentiables ang kani-lang iboboto. Matatandaan ko na sa mahigit 1,200 plus texters na sumali sa nasabing survey noon, pinili nila bilang pumapangalawa kay Noynoy Aquino si dating Pa-ngulong Joseph Estrada.

Pero sa mga panahong iyon, kulelat si Estrada sa resulta ng mga kilalang survey companies. Ang madalas lumitaw sa survey nila noon na nasa number 2 spot ay si Manny Villar. Ngunit pagdating sa resulta ng eleksyon si Erap, at hindi si Villar, ang kumuha ng number 2 spot.

Noong kasagsagan din ng kampanya ng 2004 National Elections, nagsagawa rin ng survey para sa mga senatoriables ang mga kilalang survey companies at ni minsan hindi pumasok sa magic twelve si Jamby Madrigal. Pero pagkatapos ng eleksyon, isa si Madrigal sa nahalal bilang senador.

Maraming taon na ang nakakaraan, nagsagawa ng survey ang isang kilalang kumpanya para sa ratings ng mga radio programs sa Metro Manila. Sa nasabing survey, lumitaw na pangwalo ang WANTED SA RADYO sa timeslot nito – nasa buntot lang ito ng isang programa ng isang radio station sa loob ng Camp Aguinaldo na pumapangpito.

AGAD KONG tinawagan ang nasabing survey company at nakausap ang isa sa mga researcher na mismong nagsagawa ng individual survey. Sinabihan ko ang nasabing researcher na sa susunod huwag na niyang isama sa kanilang survey ang WANTED SA RADYO dahil nakakainsulto sa mga listeners nito na kulelat pala ang programang kanilang pinakikinggan.

Natatandaan ko na sinabi ng naturang researcher na masugid nga raw siyang tagasubaybay ng WANTED SA RADYO. Idinugtong pa niya na sa tuwing napapasakay raw siya ng taxi sa oras ng WSR, ito raw ang pinakikinggan. Kaya sumbat ko sa kanya, kung gayon pala, bakit nagkaganoon? Ang sagot niya, “Eh, meron kasi, sir, ka-ming sinusunod na formula.” Anong formula? Tanong ko. “Ah, basta sir, mahirap maipaliwanag, eh.” Sagot niya.

Kinabukasan binatikos ko sa WANTED SA RADYO ang nasabing survey company. Hindi ko sukat akalain na ang mismong mga opisyales pala, maging ang mga kawani ng nasabing survey company ay mga tagapakinig ng a-king programa at nagsitawagan sila sa management ng istasyon ng radyo namin para huwag nang batikusin muli ang kanilang kumpanya.

HINDI KO sinasabi na mali ang lahat ng mga surveys na ginagawa ng iba’t ibang survey companies. Ang pinupunto ko lamang dito, hindi lahat ng mga survey nila ay totoo. Kung minsan, masakit mang sabihin, nagagamit ng ilang tao o grupo ang mga survey companies para mai-condition ang isipan ng mga mamamayan tungkol sa isang bagay na gusto nilang pasikatin.

Ang mga survey companies ay puwedeng ikomisyon ng kahit sinong indibidwal para ipa-survey halimbawa ang kanyang produkto o ang kanyang estado sa isang gaganaping paligsahan. Siyempre, dahil nagbayad ang nagpa-survey, hindi siya gagawing kulelat. Bagkus, bibigyan siya ng magandang puwesto sa resulta ng kanyang ipina-survey.

Ang WANTED SA RADYO ay mapapakinggan sa 92.3 fm, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2-4pm. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleAng Centurion
Next articlePinoy Parazzi Vol 5 Issue 46 March 28 – 29, 2012 Out Now!

No posts to display