TUMATAK SA ISIP ng sambayanang Pinoy ang matalim na binitiwang salita dati ni Ms. Susan Roces patungkol sa noon ay pangulo ng bansa na si Gloria Macapagal Arroyo na… “You have stolen the presidency not only once but twice!”
Kasagsagan kasi ng isyung nadaya sa presidential race ang yumanong si FPJ. At hindi nga naiwasang madala ng bugso ng kanyang damdamin ang aktres.
Ngayon, muling sentro ng mga balita si GMA at ang tungkol sa usaping hindi pinayagan ng korte at ng gobyerno ang hinihiling na makapagpagamot sa ibang bansa.
Siyempre, hindi maiwasang matanong si Susan kaugnay ng nangyayari at pinagdadaanan ngayon ni Congresswoman Gloria Arroyo.
“Katulad ng karamihan sa atin, sinusubaybayan kong masusi ang araw-araw na balita,” aniya nang makapanayam namin matapos siyang tumanggap ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award sa katatapos na PMPC Star Awards For Television. “Uhm… hindi mahalaga kung ano ang personal kong damdamin o opinyon.
“Ang higit na mahalaga at pinagtutuunan ko ng pansin at ipinananalangin kong mabuti ay magkaroon ng katarungan… justice for those who have been affected sa mga pangyayari noong mga nakalipas na panahon. At kasagutan sa maraming tanong na hanggang ngayon ay hindi pa nasasagot.
“Never akong nagkaroon ng galit. Hindi ako ganyang uri ng tao. Sa mga pangyayari, oo. Pero sa kapwa tao, hindi ako nagtatanim ng galit.
“Normal lang sa mga pangyayari ay magkaroon ka ng bugso ng damdamin. Pero pagkatapos no’n ay ipinananalangin kong mabuti. Dahil ayokong tumanda na puro galit sa katawan. Like everybody else, I am closely monitoring the news daily. I’d like to set aside my opinions… my personal opinions and my feelings. Instead, I’d like to think and focus on the fact that justice must be done. So… it’s a day to day thing.
“Malapit na ang araw ng kamatayan ni FPJ. December 14. Magpipitong taon na. Hindi ko man hilingin, at hindi ko man ipana-langin, isa-isang lumalabas ang mga katugunan sa mga naganap noong mga nakaraan.
“Malapit na rin ang Pasko. Ayokong mang-engganyo ng hatred sa puso ng bawat isa. Pero sumasang-ayon ako sa mga pangyayari ngayon. Dapat mabigyan ng tamang hustisya ang mga… lalo na ‘yong mga naapi.”
Magiging iba ba ang Pasko para sa kanya ngayon kumpara sa mga nakalipas na taon?
“Darating pa lang ang Pasko. Nobyembre pa lang po tayo. Magkita po tayo pagkatapos ng Bagong Taon,” panghuling nasabi ni Ms. Susan Roces.
WAGI SI GRETCHEN Barretto bilang best drama actress sa PMPC Star Awards For Television. Ito’y para sa mahusay niyang pagganap sa Magkaribal, kung saan nakasama rin niya ang kapwa nominado para sa nasabing kategorya (at nasabing serye rin) na si Angel Aquino, at si Bea Alonzo.
“Muntik nang hindi natuloy ang Magkaribal,” ani Gretchen. “Nagdasal ako sa Baclaran. Naniwala po ako na through God’s grace, mangyayari ang proyektong ito.”
Bago matapos ang kanyang acceptance speech, tinawag pa ni Gretchen ang kapwa nominadong si Angel Aquino na kahit tinalo niya ay masaya nga para sa kanya.
“Angel is not just an ordinary actress. But to me… she’s one of the best that we have in the business. She’s not only a good actress but a very good friend of mine. So I’m very, very proud of her. And in fact, she’s the one (among other nominees) that I’m very afraid of tonight,” natawang pag-amin pa ni Gretchen.
“Sabi ko… my God! Bakit ikaw ang kailangang ma-nominate with me? Ha-ha-ha!”
Kitang-kita kung paano napahinga nang malalim si Gretchen nang tawagin na nga ang kanyang pangalan as winner for the Best Drama Actress Category.
“Right now, parang gusto ko na lang makatulog,” aniya. “Kasi ilang araw na hindi ako masyadong makatulog.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan