SINABI NG DEPARTMENT of Justice na maaaring managot si Congresswoman Annie Susano kaugnay ng paglabag sa election law dahil na rin sa pag-iingat nito ng mga compact flash cards na ginamit na kauna-unahang automated elections sa bansa noong Mayo 10.
Ayon kay Acting Justice Secretary Alberto Agra, lumilitaw sa imbestigasyon na ang mga CF cards na iprinisinta ni Susano sa kasagsagan ng isang congressional inquiry ay ang mga nawawalang back up at main CF cards.
“She is not authorized to get the CF cards or to seize any election paraphernalia,” ani Agra.
Base sa imbestigasyon, ang mga CF cards na sa pag-iingat ni Susano ay nagmula sa isang presinto sa Barangay Bahay Toro sa Quezon City. Gayunman, sinabi ni Agra na ang mga resulta ng eleksiyon sa nasabing presinto ay na naipadala na bago pa nakuha ni Susano ang mga CF cards.
Sinabi pa ni Agra na bibigyan ng pagkakataon si Susano na ipaliwanag ang kanyang panig, bagama’t nauna nang tumanggi ang kongresista na ihayag kung papaano niya nakuha ang mga card.
Pinoy Parazzi News Service