Suspendido

ANG TURO ng simbahan ay ang pagnanakaw raw ng piso ay pareho lang sa pagnanakaw ng isang libo o isang milyon. Ang pagsisinungaling naman at pandaraya, maliit man o malaki ay kasalanan pa rin sa Diyos. Siguro ay lahat ng tao’y nasadlak na sa ganitong kahinaan bilang tao, ngunit sa kabila nito’y umaasa na mapapatawad ng Diyos sa oras ng paghingi ng kapatawaran.

Subalit iba naman ang pagturing sa batas ng tao. Ang paglabag sa batas ng tao ay hindi gaya ng paglabag sa batas ng Diyos. Sa batas ng Diyos ang mga masasamang intensyon ay kasalanan nang maituturing gaya ng pag-iisip ng masama sa iyong kapwa. Kung pinag-isipan mong gumanti, saktan ang kapwa mo, o pagnasaan ang isang tao, kasalanan na ito sa batas ng Diyos, ngunit hindi sa batas ng tao.

Sa batas ng tao, ang pag-iisip nang masama o labag sa batas ay hindi sapat para siya ay maparusahan o makulong. Kailangan na magawa o actualized ang isang krimen o paglabag sa batas ng tao. Ang parusa rin sa mga paglabag na ito sa Saligang Batas ay dumidepende rin sa bigat o gaan ng krimen. Kaya may mga nagkakasala sa batas nang may pagkakakulong ang parusa at ang iba naman ay suspensyon lang sa trabaho o ‘yung mga tinatawag na suspendido.

ANG MALAKING palaisipan ngayon sa maraming Pilipino ay ang suspensyon na ipinataw sa pinuno ng ating kapulisan. Ang posisyon sa pamahalaan ay hindi gaya ng ordinaryong trabaho sa mga kompanyang pinaglilingkuran ng marami. May kaakibat na public trust ang posisyon sa gobyerno.

Ang public trust ay isang mahalagang salik ng mabuting pamumuno at aspeto ng isang epektibong pinuno. Kung walang public trust ay hindi epektibong magagawa ng isang opisyal sa pamahalaan ang kanyang tungkulin. Magiging tampulan siya ng isyu at mga bintang ng katiwalian. Sumatotal ay nawawalan na ng katuturan ang pagiging lingkod bayan nito.

Public office is public trust. Ito ang pilosopiya ng mga tao sa kahit anong lipunan sa mundo. Universal kung tawagin ang ganitong paniniwala. Kung wala nang tiwala ang mga tao sa pinuno ay nawawala na rin ang opisina o katungkulang ipinagkaloob sa taong opisyal ng pamahalaan. Dapat ay manatili ang tiwalang ito upang magpatuloy ang opisyal sa kanyang tungkulin.

ANG TANONG ngayon ay matapos ang pag-uutos ng Ombudsman na suspendihin ang pinuno ng PNP at iba pang kasamahan umano nito na nasangkot sa maanomalyang transakyon, nasa kanila pa ba ang public trust na pinag-uusapan natin?

Kahit na anim na buwang suspensyon lamang ang parusang ipinataw ay hindi nangangahulugan na matapos na mapagbayaran nila ang parusang ito ay babalik na ang tiwala ng taong bayan sa kanila. Gaya ng pinag-usapan natin kanina na ang pagsisinungaling o pandaraya ay nananatiling kasalanan maliit man ito o malaki, mabigat man ang parusa o hindi, pagkakulong man o suspension.

Mahirap makuha ang public trust at madali rin itong mawala. Ang kapakanan ng mga tao sa lipunan ang nakasalalay sa isang public office kaya napakatindi dapat ng pamantayan nito sa pagiging matino, maayos at mahusay sa tungkulin. Sa bansang Japan, kung ang isang opisyal ay nagkamali, maliit man o malaki ito, kagyat silang nagre-resign o umaalis sa katungkulan dahil nawala na sa kanila ang public trust.

ANG BOLA ng desisyon ay nasa kamay na ngayon ni Pangulong Aquino. Pagkakatiwalaan pa ba niya ang isang kakilala na pinaniniwalaan niyang hindi matakaw sa kayamanan at matagal nang naglilingkod sa kanyang pamilya? Mas bibigyan diin kaya ng Pangulo ang personal na paniniwala nito kaysa sa sinasabi ng Ombudsman na may pagkakamali ito at kasangkot sa maanomalyang transakyon?

Ipatutupad naman daw ng ehekutibong sangay ang suspensyon, ngunit ang mas mahalagang tanong ay magtitiwala pa ba ang punong ehekutibo sa kanila? Dapat pa bang pagkatiwalaan ng Pangulo ang suspendidong pinuno ng PNP? Dapat bang isangguni ni PNoy ang desisyon sa mga tunay na boss niya?

Sa pagkakataong ito ay dapat na patunayan ni PNoy sa kanyang mga boss ang sinasabi niyang tuwid na daan. Dapat na makinig ang Pangulo sa taong bayan at dito niya ibase ang kanyang mga desisyon. Mahalaga ang pagiging pinuno ng PNP dahil dito nakasalalay ang kaligtasan ng mga tao sa masasamang loob araw-araw. Dapat lang na may mabuting loob ang pinuno ng mga pulis na lumalaban sa mga taong masasamang loob.

ANG PUBLIC office ay public trust. Ito dapat ang pangunahing basehan natin ng pagpili at pagpapanatili ng isang opisyal ng gobyerno sa ating pamahalaan. Huwag nating hayaan na ang mga personal na dahilan gaya ng pagkakaibigan ang magiging pamantayan ng Pangulo para mamili ng kanyang mga opisyal sa gabinete.

Ang taong bayan ang tunay na boss sa isang demokratikong sistema ng pamahalaan. Ang ating pamahalaan ay isang demokratikong gobyerno. Dapat lang na ang mga tao ang maghuhusga kung ang isang opisyal ay pinagkakatiwalaan pa nila.

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleReklamo sa Titser na Namamalo
Next articleTaxi Girl

No posts to display