Dear Atty. Acosta,
AKO PO ay isang seaman na nagmula sa Bukidnon, may-asawa at dalawang anak. Anim na taon na ang nakararaan nang maghiwalay kami ng aking asawa dahil sa problema sa kanyang pag-uugali. Dahil sa seaman ako, naiwan sa kanya ang dalawa naming anak habang ako ay nasa barko. Patuloy naman po ang pagpapadala ko ng sustento sa kanila.
Ngunit noong isang buwan po ay napag-alaman ko sa pamamagitan ng isang social networking website na ang mag-iina ko ay nasa Singapore na pala. Maaari po bang itigil ko na ang pagpapadala sa kanila ng sustento? Sa totoo lang po ay nagdududa ako kung napupunta pa ba sa mga bata ang ipinadadala ko. Ang hinala ko po ay ang biyenan ko na ang nakikinabang sa pera. Sana ay maliwanagan ninyo ako sapagka’t ako ay gulung-gulo na.
Gumagalang,
Ernest
Dear Ernest,
BILANG ISANG asawa at magulang, responsibilidad mo na magbigay ng moral, emosyonal at pinansyal na suporta sa iyong pamilya. Sa aspeto ng pinansyal na suporta, mahalaga na matugunan mo ang kanilang pangangailangan upang mabigyan sila ng maayos na pamumuhay at ng oportunidad na makapagtapos sa kanilang pag-aaral. Ang responsibilidad mong ito ay hindi tumitigil dahil lamang sa sila ay nasa ibang bansa na.
Bagama’t naiintindihan namin ang inyong agam-agam patungkol sa kung kanino napupunta ang perang ipinadadala mo sa iyong mag-iina, subalit hindi ito sapat na dahilan upang bigla mo na lamang ititigil ang pagpapadala ng suporta sa kanila. Tandaan mo na ang obligasyon ng pagbibigay ng suporta ay nakasaad sa ating batas at hindi maaaring isang-tabi na lamang nang walang sapat na dahilan at hindi dadaanin sa tamang paraan.
Ang pinakamainam mong magagawa ay ang makipag-ugnayan at makipag-usap ka sa iyong pamilya kahit pa sila ay nakatira na sa Singapore. Lahat ng bagay ay maaaring daanin sa maayos na komunikasyon at ito ay higit na makabubuti sa iyong relasyon sa iyong mga anak na malaman nilang ikaw ay patuloy na nariyan para sa kanilang pangangailangan. Kumustahin mo ang kalagayan nila roon at kung ano na ang kanilang estado sa buhay. Kung ang iyong mga anak naman ay matatanda na o mayroon nang mga sariling trabaho o propesyon at kaya nang suportahan ang kanilang mga sarili, maaari mo nang ipahiwatig sa kanila na ititigil mo na ang pagpapadala ng suporta sa kanila.
Ayon sa Artikulo 201 ng Family Code of the Philippines, “The amount of support, in the cases referred to in Articles 195 and 196, shall be in proportion to the resources or means of the giver and to the necessities of the recipient.”
Subalit kung ang iyong mga anak ay wala pa sa hustong gulang at sila ay wala pang kakayahan na suportahan ang kanilang mga sarili para sa kanilang mga pangangailangan katulad ng kanilang pag-aaral, kailangan mong ipagpatuloy ang pagbibigay ng suporta sa kanila. Kung hindi ka makakapagbigay ng suporta gayong mayroon ka namang kakayahan na ibigay ito, maaaring ang ibang tao ang magbigay ng suporta sa iyong mga anak at maaaring hilingin sa iyo ng taong nagbigay ng suporta na ibalik ang halagang kanyang ibinigay, maliban na lamang kung wala siyang intensyon na pagbayarin ka. (Artikulo 206, id)
Atorni First
By Atty. Persida Acosta