SWAK O Ligwak? Ito ang aming opinyon sa mga popular male celebrity na sumakabilang-bakod o lumipat ng ibang TV network para raw sa mas ikabubuti ng kanilang career. Ang tanong nakabuti ba talaga? Narito ang apat sa mga hinahangaang personalidad na naglipat-bahay, sila ba ay talagang nagtagumpay?
Ogie Alcasid, time to give back
MATAPOS ANG mahabang taong pamamalagi sa bakuran ng GMA-7, marami ang nagulat nang maglipat-bakod ang singer-songwriter na si Ogie Alcasid sa TV5. Matatandaang nang pumirma ng kontrata sa Singko, inilahad ni Ogie ang katotohanan kung bakit niya nilisan ang matagal na niyang naging tahanan at nagpasiyang lumipat.
“It’s my time to give back”. Ito ang ibinigay na dahilan ng mister ni Regine, ang naging pakiusap ng kanyang ninong sa kasal na si TV5 Chairman Manny Pangilinan na makasama siya sa naturang istasyon. Bukod pa sa pagbibigay pabor sa kanyang ninong, bilang Kapatid star, pamamahalaan ng singer-actor ang music business unit ng network.
Isa ngang magandang pagkakataon ito para sa actor-comedian. Sa kanyang ‘long-term contract, maraming mapagkakaabalahan at magagawa si Ogie sa Kapatid Netwok, bukod sa pagkakaroon ng comedy show sa nasabing network, kung saan maipagpapatuloy niya ang kanyang galing sa pagpapatawa gaya ng ginagawa sa Bubble Gang, magagamit din niya ang kanyang galing at talino sa musical shows at nabanggit na music business unit ng istasyon ni MVP kaya ‘SWAK na SWAK’ ang pag-ober da bakod ni Ogie da pogi, huh!
Christian Bautista, no bridges were burned
TULAD NI Ogie, matagal ding namalagi ang Asia’s balladeer na si Christian Bautista sa ABS-CBN. Nabigla rin ang iba sa ginawang paglipat ni Christian sa GMA-7 kaya marami ang nagtatanong kung ano ang nangyaring negosyasyon sa pagitan niya at ng Kapuso Network.
“No bridges were burned”. Ito ang sinigurado ni Christian bago tuluyang naging Kapuso.
Aminado naman ang singer-actor na hindi madaling desisyon ang kanyang ginawang paglipat sa kalabang network. Isa rin sa mga dahilan ng paglipat-bahay ay ang offer na acting career kaya nga nabigyan agad siya ng drama show sa umaga na With A Smile na agad namang sinibak sa ere.
Aminado rin si Christian na kalilipat pa lamang niya ay nawalan agad siya ng show. Una, nagpaalam agad sa ere ang Party Pilipinas na kauna-unahan niyang show sa Siyete at hindi pa rin nagtatagal ay natsugi na rin ang With A Smile na ikinagulat at ikina-dissapoint ng male singer.
Tila hindi magandang sensyales ang pagkawala ng dalawang magkasunod na show ni Christian. Hindi rin natuloy ang balitang pagiging bahagi niya ng Eat Bulaga para magkaroon ng magandang exposure sa Indonesia dahil nga sa franchise nito. Kaya para sa amin ‘LIGWAK’ ang pagiging Kapuso ng balladeer.
JC de Vera, a dream come true
NAGSIMULA SA GMA-7, lumipat sa TV5, ngayon ay sumakabilang-bakod sa ABS-CBN si JC de Vera. Sinabi ng aktor na “dream come true” ang kanyang pagiging bagong Kapamilya.
Maaalala na sa Kapuso Network unang nakilala si JC kung saan nanatili hanggang taong 2010 ngunit sa pagkakasangkot niya sa alitan ng kanyang dating manager na si Annabelle Rama at ng dating network executive na si Wilma Galvante ay inilipat siya sa poder ng Kapatid Network.
Nang magtapos naman ang kontrata ng aktor sa nasabing istasyon ay nagdesisyon itong kumalas sa pangangalaga ni Annabelle at kasabay ng pagpapalit ng manager (Leo Dominguez) ang pagpirma ng kontrata sa Dos.
Sa ngayon, nalalapit na ang kauna-unahang teleserye ni JC na The Legal Wife, kung saan makakasama sina Angel Locsin, Jericho Rosales at Maja Salvador.
Sa ginawang hakbang, tama ang naging desisyon ng aktor na mag-ober da bakod sa ABS-CBN dahil magaling siyang artista, doon niya mas lalong mahuhubog ang sarili at galing sa pag-arte gaya ng nangyari sa acting career nina Jake Cuenca, Angel Locsin at Paulo Avelino na nagmula sa ibang network at nang lumipat sa Dos ay nanalo na ng acting awards. Posible ring mabawi ni JC ang humina niyang popularidad sa pagiging Kapamilya, kaya ‘SWAK na SWAK’.
Rafael Rosell wants changes
ISA RIN sa mga naglipat-bakod ay ang hunk actor na si Rafael Rosell na matagal ding nanatili sa Dos pero tumalon patunong Siyete. Nilinaw naman ng aktor na hindi siya umalis sa ABS dahil sa walang nangyayari sa career niya, gusto daw niya ng “changes” o pagbabago sa kanyang buhay kaya napagdesisyunang lumipat ng network.
Sa pagtuntong ni Rafael sa bakuran ng Siyete, nagkaroon naman siya ng TV projects tulad ng Temptation of Wife, kung saan nakasama niya sina Marian Rivera at Dennis Trillo. Natapos ang nasabing primetime serye at nasundan agad ng afternoon soap na Maghihintay Pa Rin katambal si Bianca King. ‘Di tulad ng Temptation of Wife, hindi masyadong umubra sa ratings ang tambalan nila ni Bianca kaya hindi rin nagtagal ang panghapong serye.
Kung tutuusin, mas nabigyan nga ng lead role ang aktor sa GMA ngunit tila iba pa rin ang dating at aura niya kapag nasa ABS. Kahit itapat pa si Rafael sa hanay ng mga datihan nang leading man sa nasabing istasyon, lumalabas na second rate trying hard pa rin siya kumpara sa mga gaya nina Dingdong Dantes, Dennis Trillo at Richard Gutierrez. Kung hindi magle-level up ang acting ni Rafael tulad ng kay Tom Rodriguez na isa ring naglipat-bahay, hindi niya mapapantayan o mahihigitan ang mga original Kapuso leading man. Kaya ‘LIGWAK’ muna sa ngayon ang ‘pagbabagong’ sinasabi ng bagong Kapuso star.
By MK Caguingin
Photos by Luz Candaba, Fernan Sucalit & Parazzi Wires